Calendar
Lacson: Hayaang umusad impeachment trial sa 20th Kongreso
IGINIIT ni Senator-elect Panfilo “Ping” Lacson na nararapat lamang na ipagpatuloy sa ika-20 Kongreso ang impeachment trial laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, dahil wala nang sapat na oras ang ika-19 na Kongreso upang isakatuparan ito.
Ayon kay Lacson, tanging ang Senado na kumikilos bilang impeachment court ang may legal na kapangyarihang magpasya sa naturang kaso.
“There is no sense in the draft resolution calling for the de facto dismissal of the impeachment case against Vice President Duterte. Only the Senate as an impeachment court can render a decision on the matter, not the Senate as a legislative body, as the latter has no jurisdiction or legal authority to do so,” aniya.
Ang pahayag ay bilang tugon sa draft resolution na umano’y nagmula sa opisina ni Senador Ronald dela Rosa, na nagmumungkahing ituring na lang na awtomatikong ibinasura ang kaso dahil sa kakulangan ng panahon. Tinuligsa ito ni Lacson at ipinunto na hindi maaaring talikuran ng Senado ang tungkulin nitong magsagawa ng impeachment trial.
Batay sa mga ulat, ang impeachment case ay isinampa ng House of Representatives mas maaga ngayong taon. Kabilang sa mga paratang laban kay VP Duterte ang umano’y maling pamamahala sa badyet, pagbabanta sa mga opisyal ng gobyerno, at hindi maipaliwanag na yaman. Kapag napatunayang nagkasala, maaaring mapatalsik siya sa puwesto at ipagbawal na humawak ng pampublikong posisyon sa hinaharap.
Binanggit ni Lacson ang desisyon ng Korte Suprema sa Pimentel vs. Joint Congressional Hearing (2004) bilang batayan ng kanyang posisyon. “If they (senators) are not acting as an impeachment court, they have no personality to dismiss the impeachment case,” diin niya.
Dagdag pa ni Lacson, anumang resolusyong lalayong iwasan ang pagbuo ng impeachment court ay maaaring kuwestyunin sa hukuman. “They can always try but I think the Supreme Court can strike it down if someone questions the resolution,” aniya.
Sa huli, iminungkahi ni Lacson na ang pinaka-lohikal na hakbang ay hayaan na lamang itong umusad sa susunod na Kongreso. “The best way forward is to let the impeachment trial cross over to the 20th Congress because it can no longer be done in the 19th Congress. Going further, the best way forward is to go into trial, to determine if there is a conviction or acquittal,” dagdag niya.
Inaasahan na tatalakayin ng Senado ang isyu sa huling sesyon nito bago ang adjournment sa Hunyo 11. Giit ng ilang legal na eksperto, may obligasyon ang Senado na ituloy ang paglilitis sa sandaling maipasa ng Kamara ang Articles of aImpeachment.

