Budget

Lacson hinimok ang publiko na suriin ang 2026 budget sa Senate portal

319 Views

HINIMOK ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang publiko na silipin ang P6.793-trilyong panukalang national budget para sa 2026 sa Budget Transparency Portal ng Senado, kung saan makikita na ang lahat ng individual amendments ng mga senador.

Ayon kay Lacson, inaasahang maipapasa sa third reading sa susunod na linggo ang Senate version ng budget, na binuo sa pamamagitan ng full livestream coverage ng committee hearings at plenary debates. Sinabi niyang nagbibigay ang portal ng malinaw na digital trail kung paano binago ang panukala. “Makikita ninyo ang individual amendments ng bawat senador. Lahat ay naka-record na ngayon, hindi tulad noon na hindi matunton kung sino ang nagpasok dahil dini-diktate lang ang amendments,” aniya sa panayam sa radyo.

Nasa website ng Senado ang video recordings ng deliberasyon, habang nasa transparency portal naman ang mga dokumento at transcript ng committee at plenary sessions. Layunin nitong matulungan ang publiko, civil society groups, LGUs, at maliliit na negosyo na maunawaan kung paano inilalaan ang pondo—lalo na para sa flood control, serbisyong panlipunan, at mga lokal na imprastraktura.

Idinagdag niya na magiging bukas din ang proseso sa bicameral conference committee na magtatagpi sa House at Senate versions ng budget. “Ilalivestream namin para walang pagkakataon para sa lihim na usapan,” wika niya.

Sinabi ni Lacson na dahil nakatala na ang lahat ng amendments, mas malinaw ang pananagutan ng mga mambabatas na nagpasok ng mga ito. “Kung may magiging problema sa proyekto, alam kung sino ang nagpasok ng amendment,” aniya.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang transparency sa budget lalo na para sa mga komunidad na umaasa sa mga proyektong pang-imprastraktura at tulong-panlipunan. Ang maayos na pondo para sa flood control, kalsada, at mga pangunahing serbisyo ay nakatutulong para hindi malugmok ang mga kabahayan, manggagawa, at maliliit na negosyo sa gitna ng kalamidad at pagtaas ng gastusin.