Dumlao

Lacson ikinatuwa pagkahuli sa suspek sa kidnap-slay ni Jee Ick Joo

67 Views

IKINATUWA ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagkakaaresto kay dating Police Lt. Col. Rafael Dumlao III halos isang dekada matapos ang pagdukot at pagpatay sa Korean trader na si Jee Ick Joo.

Si Dumlao ay inaresto sa Quezon City noong Martes, ayon sa mga ulat kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Ipinakita ng pag-aresto na maaari pa ring habulin ng mga awtoridad ang mabibigat na kaso kahit lumipas na ang maraming taon.

“Law enforcement never sleeps. The long arm of the law is always stretched to close in and snatch its quarry,” sabi ni Lacson.

Dapat ipagpatuloy ng Philippine National Police ang internal cleansing upang maiwasan ang mga kahalintulad na kaso na kinasasangkutan ng law enforcement personnel.

Si Lacson ay naghain ng Senate Resolution 265 upang imbestigahan ang pagdukot at pagpatay kay Jee, kasama ang iba pang ulat ng kidnap-for-ransom na umano’y isinagawa ng ilang PNP personnel sa ilalim ng pagkukunwari ng pagpapatupad ng “Project Tokhang.”

Ang Senate inquiry ay naging bahagi kalaunan ng rekord kaugnay ng paghahain ng criminal charges laban kay Dumlao at sa iba pang personalidad.

Si Jee ay iniulat na dinukot sa kanyang bahay sa Angeles City noong Oktubre 2016. Lumabas sa imbestigasyon na pinatay siya sa loob ng PNP headquarters sa Camp Crame.

Una nang inilarawan ni Lacson ang pagpatay kay Jee bilang “probably the most unwelcome wake-up call” para sa noo’y PNP chief na si Ronald dela Rosa.