Calendar

Lacson: Impeachment case vs VP Duterte di matatapos sa isang iglap
“DADAAN sa matinding debatehan ang resolusyon ito na pinaiikot na walang direktang may akda.”
Ito ang sinabi ni Senator-elect Panfilo Ping Lacson, habang patuloy ang mga kilos sa Senado upang ibasura ang impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, kung saan ay sinabi rin niya na malayo pa ang lalakbayin ng usapin at hindi ito matatapos sa isang iglap.
Sa isang panayam sa DZMM, inilahad ni Lacson na may natanggap siyang draft resolution na aniya ay “undated, unnumbered, and unauthored na nais maisalang ang usapin sa plenaryo.
Ayon sa nagbabalik na senador, kasalukuyang ipinaiikot ito sa mga kapwa senador upang makakalap ng sapat na pirma bago ito maisalang sa plenaryo para sa opisyal na deliberasyon.
Ngunit binigyang-diin niya na kahit makarating ito sa plenaryo, hindi pa rin sigurado ang magiging kapalaran nito lalo na kung ito’y hahamunin sa korte ng ilang sektor.
“This is a resolution that can still be questioned before the Supreme Court. If the Supreme Court rules in favor of the petitioner, it can compel the Senate to continue with the impeachment trial,” paliwanag ni Lacson.
Nakasaad sa draft na lagpas 100 araw na ang lumipas mula nang matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment, ngunit wala pa ring aksyon. Dahil dito, hinihiling ng resolusyon na ibasura na ang kaso. Bukod pa rito, tinukoy din ng draft ang patakaran ng Senado na hindi maaaring ipagpatuloy sa bagong Kongreso ang mga kasong impeachment. Inaasahang mag-aadjourn ang Senado sa Hunyo 13.
Gayunpaman, nilinaw ni Lacson na hangga’t walang opisyal na may-akda ng resolusyon, hindi ito maaaring isalang sa deliberasyon.
“It needs to be authored, referred to a committee, and backed by a committee report signed by the majority before it can be adopted,” aniya.
Dagdag pa niya, kahit pa makuha ng draft ang pirma ng nakararaming senador, posibleng magbago ang posisyon ng ilan kapag nagsimula na ang debate.
“If the signatories change their minds and withdraw support, there is a chance the resolution won’t be adopted,” sabi ni Lacson.
Paalala pa niya, kahit maipasa ito sa Senado, maaari pa rin itong dalhin sa Korte Suprema. Kapag pinaboran ang petisyon, posible pa ring ipag-utos sa Senado na ituloy ang impeachment trial.