Lacson

Lacson pinabulaanan na may umiiral na de factor martial law

126 Views

MARIING pinabulaanan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Martes ang pahayag na may umiiral umanong “de facto martial law” sa Pilipinas, taliwas sa alegasyong inihayag ni Rep. Leandro Leviste.

Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na wala siyang nakikitang mga palatandaan ng de facto martial law, partikular ang umano’y pananahimik o pagsikil sa mga kritiko ng pamahalaan.

“Of course not. Malayo. I do not agree,” ani Lacson nang tanungin tungkol sa naturang pahayag.

Ayon sa kanya, kung totoo ang sinasabing de facto martial law, dapat ay nakaranas na ng agarang pagganti ang mga kritiko ng gobyerno.

“Kung totoong may ‘de facto martial law,’ maaaring nakasuhan na si Leviste ng libelo dahil sa kanyang mga batikos sa umano’y mga maling gawain sa pamahalaan,” ani Lacson.

Sinabi rin ni Lacson na bagama’t madalas siyang sumasang-ayon sa mga pananaw ni Leviste, hindi siya sang-ayon sa usaping ito.

“Malimit akong nag-a-agree sa kanya, sa kanyang courage and principles, pero this time, I do not agree,” dagdag niya.

Ipinunto rin ng senador na dapat maging bukas ang sinuman sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lalo na kung wala naman silang itinatago.

Bilang halimbawa, ibinahagi ni Lacson ang sarili niyang karanasan noong panahon ng administrasyong Arroyo, kung saan aniya’y hinarap niya ang mga walang basehang kasong kriminal sa loob ng mahabang panahon.

“Kung walang basis, no matter how they investigate you, walang mararating. Been there, done that. For nine long years yan ang sinapit ko noon. Pero andito pa rin ako, nakatayo pa rin ako,” ani Lacson.