Lacson

Lacson pinasusuri muli ang Juvenile Justice Law

141 Views

NANAWAGAN si Senador Panfilo “Ping” Lacson ng panibagong pampublikong talakayan sa juvenile justice law ng bansa matapos ang mararahas na insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Sinabi ni Lacson na dapat muling suriin ang mga probisyon ng batas tungkol sa pananagutang kriminal, lalo na kung dapat bang awtomatikong makaiwas sa pananagutan ang edad ng mga menor de edad na inaakusahan ng mabibigat na krimen.

“Our Juvenile Justice Law may really need revisiting and further discussion. The February 12, 1993 Liverpool, England case of 2-year-old James Patrick Bulger who was abducted and murdered by two 10-year-old boys may convince us to reconsider age as an automatic exemption from criminal liability. Discernment to be proven beyond reasonable doubt by state prosecutors as per the latest SC ruling should be safeguard enough to serve justice to all concerned,” ani Lacson.

Hindi bababa sa tatlo ang nasawi at ilan pa ang nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na umano’y isinagawa ng dalawang lalaking estudyante na edad 14 at 15.

Ayon kay Lacson, nagbukas din ng mga tanong ang Tacloban shooting kung paano dapat tugunan ng juvenile justice system ang pananagutan, rehabilitasyon at public safety sa mga kasong kinasasangkutan ng children in conflict with the law.

Sa ilalim ng juvenile justice framework, hindi lamang edad ang batayan sa criminal liability ng isang menor de edad, kundi kung kumilos siya nang may discernment.

Nagpasya ang Korte Suprema na walang presumption na ang isang menor de edad ay kumilos nang may discernment, at dapat itong patunayan ng prosekusyon bilang hiwalay na elemento.

“For a minor at such an age to be criminally liable, the prosecution is burdened to prove beyond reasonable doubt, by direct or circumstantial evidence, that he or she acted with discernment,” ayon sa high court.

Sinabi ni Lacson na ang pagpapatunay ng discernment beyond reasonable doubt ay dapat magsilbing safeguard sa pagtukoy ng pananagutan sa mga kasong kinasasangkutan ng minors.

Gayunman, sinabi ni Juvenile Justice and Welfare Council Executive Director Tricia Clare Oco na may mga mekanismo na ang batas upang papanagutin ang mga menor de edad habang tinitiyak ang kanilang rehabilitasyon.

Ayon sa mga imbestigador ng pulisya, umano’y pinagplanuhan ng dalawang menor de edad ang Tacloban attack noon pang May 1 at tinalakay pa ang Juvenile Justice and Welfare Act habang pinaplano ang pamamaril.

Dahil sa ulat na ito, muling natuon ang pansin sa mga guideline ng Korte Suprema sa pagtukoy ng discernment sa mga krimeng kinasasangkutan ng children in conflict with the law.

Sa ilalim ng guidelines ng high court, kailangang mapatunayan ng prosekusyon, sa pamamagitan ng direct o circumstantial evidence, na kumilos nang may discernment ang isang menor de edad bago siya magkaroon ng criminal liability.

Nagbukas din ang Tacloban shooting ng mas malawak na tanong kung paano dapat balansehin ng justice system ang pananagutan, rehabilitasyon at public safety kapag sangkot sa mabibigat na krimen ang minors.

Binanggit ni Lacson ang 1993 James Patrick Bulger case sa Liverpool, England, kung saan dinukot at pinatay ng dalawang 10-taong-gulang na lalaki ang isang dalawang-taong-gulang na bata, bilang halimbawa ng kasong nagbunsod ng pandaigdigang debate kung paano dapat tratuhin ng legal systems ang young offenders na inaakusahan ng mabibigat na krimen.

Sinabi ng senador na dapat bukas na pag-usapan ang juvenile justice law sa gitna ng mga nagdaang mararahas na insidente na kinasasangkutan ng mga menor de edad, habang anumang pagbabago ay kailangan pa ring dumaan sa proseso ng paggawa ng batas.