Lacson

Lacson sinabing ‘disgusting’ si Cayetano

37 Views

BINANATAN ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Alan Peter Cayetano dahil sa umano’y pagdadawit sa kanyang pangalan sa tinawag ni Lacson na “bogus” Blue Ribbon Committee hearing, matapos siyang iugnay sa mga alegasyon tungkol sa paghahatid ng maletang pera gamit ang helicopter.

Ayon kay Lacson, gumamit si Cayetano ng mga insinuasyon upang idamay siya sa flood-control corruption controversy.

“Disgraced ex-SP Cayetano desperately dragged my name in a bogus BRC hearing without an iota of evidence or even a tiny bit of basis or reason except to pull me into a corruption controversy. He exposed his loathsome behavior by using overstretched innuendos. He is disgusting,” sinabi ni Lacson sa X.

Sinabi ni Lacson na ang ilan sa mga larawang ipinakita sa sinasabing hearing, na nagpapakitang nakasakay siya sa helicopter, ay kuha noong kanyang 2022 presidential campaign, kung saan gumamit siya ng sasakyang panghimpapawid mula sa isang air service company.

“The air service company was Asian Aerospace. We contracted them in the 2022 campaign. It’s on our Statement of Contribution and Expenditures (SOCE) where we paid P11.031 million for the services,” sinabi ni Lacson.

“If it was outsourcing its air assets like fixed wing aircraft or helicopters from anyone, wala na kaming alam at pakialam doon,” dagdag niya.

Nauna nang pinuna ni Lacson ang Cayetano bloc dahil sa biglaang pagpunta nito sa Senado upang magsagawa umano ng “business” isang araw matapos mag-adjourn sine die ang kapulungan at matapos payagan ng bagong liderato ng Senado ang mga empleyado na mag-work from home sa araw na iyon.

Sinabi ni Lacson na ang Blue Ribbon hearing na isinagawa sa session hall ng Senado nitong Huwebes, sa kabila ng kawalan ng committee secretariat, ay hindi maaari at hindi dapat ituring na opisyal.

“Kung kelan walang pasok at adjourned sine die na, saka naman nasa session hall,” sinabi ni Lacson sa post sa X.

Naipagpaliban na ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo ang mga pagdinig tungkol sa flood-control issue matapos ang pagbabago sa liderato noong Miyerkules, habang pinayagan ni Acting Senate President and Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang mga empleyado ng Senado na mag-work from home nitong Huwebes.

“Bilang senator, hindi sila pwedeng pigilan na pumasok sa Senate kasi nandiyan ang office nila so they can do what they want pero sino mag-record ng proceedings na sinasabi nila?” sinabi ni Lacson sa panayam sa DZBB radio.

Bago nito, pinuna ni Lacson at ng kanyang mga kasamahan sa noo’y 11-member minority bloc ang dating Senate President dahil sa pangunguna nito sa pagboykot sa sesyon ng Senado, na naging dahilan upang hindi maasikaso ng kapulungan ang trabaho nito.

Nakapagpulong ang Senado noong Miyerkules at nakapaghirang ng mga bagong opisyal bago mag-adjourn sine die matapos sumama si Senador Francis “Chiz” Escudero sa 11 miyembro ng noo’y minority bloc upang makabuo ng quorum.