Calendar
Lacson suportado fuel price adjustment ng DOE
SINUPORTAHAN ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang hakbang ng Department of Energy na magpatupad ng fuel price adjustments sa gitna ng state of national energy emergency.
Ayon kay Lacson, mas mainam ang ganitong hakbang kaysa tuluyang ipaubaya sa mga kumpanya ng langis ang pagtatakda ng presyo sa mga gasolinahan.
Dapat gamitin ng gobyerno ang kapangyarihan ng DOE sa ilalim ng energy emergency para sa kapakanan ng mas nakararaming Pilipino.
Para sa linggong ito, nagtakda ang DOE ng minimum rollback na P24.94 kada litro para sa diesel, P3.41 para sa gasolina at P2 para sa kerosene.
Sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na maaari namang magbigay ang mga kumpanya ng mas malaking rollback ngunit ang adjustment na mas mababa sa itinakdang halaga ay maaaring humantong sa legal na aksyon.
Sinabi rin ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na maaaring kasuhan sa ilalim ng Section 24 ng Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 ang mga lalabag.
Kaakibat ng pagsasampa ng kaso ang pagkakakulong mula tatlong buwan hanggang isang taon at multang P50,000 hanggang P300,000.
Dumating ang pahayag ni Lacson habang ipinatutupad ng pamahalaan ang itinakdang rollback at hinihimok ang mga oil firm na sumunod sa mga inatas na adjustment.

