Bato

Lacson umaasang mapayapa pag-aresto kay Bato

15 Views

UMAASA at nananalangin si Senador Panfilo “Ping” Lacson na magiging mapayapa ang pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kung matuloy man ito, at na mabibigyan si Dela Rosa ng due process.

Nahaharap si Dela Rosa sa pag-aresto sa bisa ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte. Nagtatago siya mula pa noong huling bahagi ng nakaraang taon.

“Senator Ronald dela Rosa is my Senate colleague, a former subordinate in the PNP, and a fellow PMA Cavalier. I sincerely hope and pray that should his arrest take place sooner or later, it will be carried out peacefully, without violence or tragedy,” ani Lacson sa kanyang post sa social media nitong Linggo.

“He has his faults, as we all do. But whatever accusations he faces, he is entitled to due process, a fundamental right guaranteed to every Filipino, and for that matter, to every human being,” dagdag niya.

Kapwa nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) sina Lacson at Dela Rosa, at dating tauhan ni Lacson si Dela Rosa sa Philippine National Police (PNP).

Noong Biyernes, inanunsiyo ng pamahalaan ang P50 milyong pabuya para kay Dela Rosa, habang binigyan siya ng PNP ng isang linggo para sumuko. Kinuwestiyon naman ng mga abogado ni Dela Rosa ang legalidad ng pabuya.

Sa panayam sa radyo nitong Sabado, ibinasura ni Lacson ang mga pahayag na itinaon ang pabuya at ultimatum para pigilan si Dela Rosa na bumoto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

“Bunga lang ng malilikot na isip. As it is now, beyond the coercive power ng Senado. Yun nga yung naging ruling ng impeachment court, na yung mga hindi marating, hindi maabot ng coercive power, eh tinuturing na hindi kabilang doon sa denominator,” paliwanag ni Lacson.

“Ngayon naman, nagtatago siya, hindi rin naman talaga siya nagpa-participate. At kung magpa-participate siya, malamang o siguradong hulihin siya,” dagdag niya.

Noong nakaraang buwan, nagpasiya ang impeachment court na ibabatay lamang ang two-thirds vote na kailangan para mahatulan sa mga senador na “legally and factually capable” na lumahok sa paglilitis. Hindi kasama rito ang mga senador na hinahanap ng mga awtoridad pero hindi alam kung nasaan.

Sinabi rin ni Lacson na nais niyang paniwalaang may matibay nang impormasyon ang mga awtoridad sa kinaroroonan ni Dela Rosa. Pero kinuwestiyon niya kung bakit kailangan pa ng pabuya.

“Kung alam na nila kinaroroonan, bakit kailangan pang magpatong ng P50 million na bounty?” tanong ng senador.