Lacson

Lacson: Usapang kwarto sa bagong gusali ng Senado, binigyan ng maling kahulugan

54 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na namaling bigyang-kahulugan ang isang kaswal na usapan tungkol sa mga kuwarto sa bagong gusali ng Senado at posibleng pagdagdag sa bilang ng mga senador, na nailarawan umanong bahagi ng seryosong plano para sa Charter change at pagpapalawig ng termino.

Ipinaliwanag ito ni Lacson sa palitan sa plenaryo kaugnay ng ipinakitang video ni Senadora Imee Marcos, na nag-ugnay sa ilang miyembro ng Senate minority bloc sa umano’y hakbang para sa constituent assembly, pagpapalawig ng termino at pagbabago sa mga kuwalipikasyon ng matataas na opisyal ng pamahalaan.

Sinabi ni Lacson na papunta siya noon sa isang pulong ng board sa parehong lugar nang makita siya ng tauhan ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III at papasukin sa usapan.

“Napasok ako sabi ko, ops mali pala, ano bang ginagawa niyo rito?,” paggunita ni Lacson.

Ayon kay Lacson, limitado lamang ang kanyang papel sa pagsagot sa tanong kung ilang kuwarto ang mayroon sa bagong gusali ng Senado.

“Ang naging role ko doon kasi tama-tama ilan ba ang kwarto sa Senate building?” sabi ni Lacson.

“Sabi ko 65 kasi yan ang request ni Sen. Pimentel at that time. He was also thinking of increasing the number of senators. So 36 lang kailangan,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na ang usapan ay tungkol sa ideya ng pagdagdag sa bilang ng mga senador, ngunit itinanggi niyang seryosong plano ito para sa Charter change, Con-Ass o pagpapalawig ng termino.

Ayon sa kanya, naikuwento niya ang usapan sa tinatawag niyang Thursday eating club na dinadaluhan ng ilang dating at kasalukuyang political figures, kabilang sina Lito Banayo at Gringo Honasan, dahil hindi niya itinuring na seryoso o sensitibo ang usapan.

“Wala namang seryoso sa pinag-usapan,” sabi ni Lacson.

“Kung seryoso yan hindi ko kukwento kasi sensitive kung seryoso,” dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na ang tunay na pinag-uusapan ng minorya ay kung paano maibabalik ang integridad, dignidad at reputasyon ng Senado.

“Ang pinag-usapan po namin Madam President kung paano natin isasalba yung integridad, dignidad, reputation ng Senado,” sabi ni Lacson.

Tinanggihan din niya ang pahayag na may planong itaas ang age requirement para sa Presidente o Bise Presidente mula 40 tungo sa 50 upang mahadlangan ang posibleng pagtakbo ni Vice President Sara Duterte sa 2028.

Ayon kay Lacson, kabaligtaran ang narinig niyang usapan: ang pagbaba ng age requirement para sa senatorial candidates mula 40 tungo sa 35.

“Baligtad sa katotohanan dahil narinig ko usapan nila ibababa ang age ng senador, hindi po si Presidente. Mga senatorial candidates ibababa from 40 to 35,” sabi niya.

Sinabi ni Lacson na walang katotohanan ang pahayag na pinag-usapan ang age requirement upang ma-disqualify si Duterte.

“Nothing could be farther from the truth Madam President,” sabi niya.

Sinabi ng senador na sinuportahan niya ang mosyon na alisin sa record ang mga bahagi ng video na nakasakit sa kapwa senador, ngunit nilinaw niyang hindi niya hinihiling na tanggalin ang buong video.

“Minus the whole video. I support that motion Madam President,” sabi ni Lacson.

Dumating ang palitan habang ilang senador ang tumatangging napag-usapan sa minority meetings ang Charter change, Con-Ass o pagpapalawig ng termino.