Zamora

Lady solon sinita si Roque

23 Views

Sa paggamit ng kaso sa ICC para matakasan pananagutan sa PH

HINAMON ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City si dating presidential spokesperson Harry Roque na umuwi na sa Pilipinas at harapin ang mga kasong kinakaharap niya, sa halip na idahilan ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) para manatili sa the Netherland.

Inakusahan ni Zamora si Roque ng pagsasamantala sa kaso ni Duterte upang pagtakpan ang kanyang pansariling interes.

Idinagdag pa niya na mismong si Vice President Sara Duterte ang nagsabing hindi kasama si Roque sa legal defense team ng kanyang ama.

“Tutal hindi ka naman pala magiging abogado ng dating Pangulo. Harry, umuwi ka na at harapin mo ang mga kaso mo dito sa ating bansa,” mariing pahayag ni Zamora. “Hindi mo matatakasan ang batas sa pamamagitan ng pagpunta sa ibang bansa. Suddenly appearing out of hiding to join the ICC proceedings isn’t heroism—it’s pure political theater.”

Kamakailan, lumutang si Roque sa Netherlands at inanunsyo ang kanyang planong mag-apply para sa political asylum, idinadahilan na bahagi siya ng depensa ni Duterte sa ICC. Gayunman, kinuwestiyon ni Zamora ang tiyempo at kredibilidad ng hakbang na ito, na aniya’y mas may kinalaman sa mga kasong kinakaharap ni Roque sa Pilipinas.

Si Roque ay kasalukuyang nahaharap sa reklamong qualified human trafficking na may kaugnayan sa Lucky South 99, isang Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Porac, Pampanga.

Ayon sa mga awtoridad, direktang nagsasangkot dito sa illegal recruitment na konektado sa operasyon ng nasabing kumpanya, na lalo pang nagpapalakas ng mga pagdududa sa kanyang integridad.

Binigyang-diin ni Zamora na lalong bumagsak ang kredibilidad ni Roque matapos siyang i-cite for contempt ng House Quad Comm noong Setyembre 2024 dahil sa paulit-ulit na hindi pagsusumite ng mga dokumento kaugnay ng imbestigasyon sa POGO.

Matapos ipag-utos ng komite ang kanyang detensyon, iniulat na tumakas at nagtago si Roque, bago muling lumutang kamakailan sa ibang bansa, gamit ang ICC bilang palusot.

Kinondena ng mambabatas ang aplikasyon ni Roque para sa asylum, na tinawag niyang isang desperadong hakbang upang takasan ang pananagutan. Iginiit din niyang walang batayan ang mga alegasyong political persecution.

“Ang paghingi ng asylum ay hindi dapat gamitin para takasan ang pananagutan,” ani Zamora. “Kung talagang inosente ka, bakit kailangan mong magtago?”

Sumusuporta rin ang gobyerno ng Pilipinas sa paninindigang ito. Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, kailangang patunayan ni Roque na totoo ang kanyang sinasabing political persecution—isang bagay na malabong mangyari dahil pawang mga kasong kriminal ang kanyang kinakaharap. Dahil dito, lalong lumilinaw na ang kanyang asylum claim ay isa lamang desperadong pagtatangkang makaiwas sa pananagutan.

Binigyang-diin ni Zamora na kailangang agad bumalik si Roque—hindi lang para sa katarungan, kundi upang patunayan na walang sinuman, lalo na ang mga opisyal ng gobyerno, ang maaaring umiwas sa pananagutan at upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya.

“Ang hustisya ay para sa lahat, at walang sinuman ang dapat na higit sa batas.”

“Kung tunay ang malasakit ni Roque sa dating pangulo, dapat niyang harapin ang sariling pananagutan at hindi gamitin ang ICC bilang takbuhan,” dagdag ni Zamora. “Harry Roque owes it to the Filipino people to return home and face the music. Only then can justice truly prevail, free from opportunistic grandstanding abroad.”