bro marianito

Laging bukas ang pinto ng Panginoon

315 Views

Hindi bibiguin ng Diyos ang bawat humihingi, naghahanap at kumakatok (Mateo 7:7-12)

Ang sinomang anak na humingi sa kaniyang Ama. Kahit gaano pa kasama at kasalbahe ang kaniyang Tatay. Hindi niya kayang tiisin ang kaniyang anak.

Kahit pa sabihin natin na kasing tigas ng bakal ang puso ng isang Ama, kapag ang anak ang humingi. Ito ay lalambot na parang mamon.

Ganito ang mensaheng nais iparating sa atin ng Mabuting Balita (Mateo 7:7-12) nang ipahayag ni Jesus na: “Humingi kayo at kayo’y bibigyan. Humanap kayo at kayo’y makakatagpo at kumatok kayo at kayo’y pagbubuksan”. (Mt. 7:7)

SINO nga bang Ama ang magkakait sa kaniyang anak, anoman ang hinihingi nito.

Ito man ay maging materyal na bagay at iba pang kasangkapan na nakikita ng ating dalawang mata at nahahawakan ng ating mga kamay.

Kahit pa sabihin natin na ang kaniyang hinihingi ay pagpapatawad ng kaniyang Ama para sa lahat ng kaniyang kasalanan at mga naggawang maling desisyon sa buhay.

Wala sigurong Ama ang hindi maawa at lalambot ang puso kapag nakita mo ang iyong anak na naninikluhod at hinihingi ang iyong pagpapatawad.

Kaya ipinahayag ni Kristo sa Ebanghelyo na: “Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya’y humihingi ng tinapay?” (Mt. 7:9)

Kung ang isang Ama na may matigas na puso ay kayang lumambot para sa kaniyang anak gaano pa kaya ang ating Panginoong Hesu-Kristo na hindi kayang magpatawad para sa mga taong lumalapit sa kaniya para humingi ng kapatawaran at nagbabalik loob.

Kakakayanin mo bang magmatigas sa isang anak na inilugmok ng problema sa buhay?

Kakayanin mo bang ipikit ang iyong mga mata sa anak mong naghihikahos?

Ang bawat naghahanap ng katahimikan ng puso at isipan ay tanging sa Panginoong Diyos lamang natin matatagpuan.

Minsan, sa ibang larangan natin hinahanap ang kaligayahang hinahangad natin.

Ang akala natin, ito ay matatagpuan natin sa ating mga barkada, sa pagdo-droga at pagpapakalunod sa alak.

Ngunit hindi pala, tinitiyak sa atin ni Jesus na hindi tayo mabibigo kung sa Panginoong Diyos natin hahanapin ang kaligayahang hinahanap natin dahil ito ay totoong matatagpuan natin.

Katulad ko at ang ilan sa atin na nakagawa ng napakaraming kasalanan at pagkakamali sa ating buhay.

Kapag tayo ay muling lumapit at kumatok sa pintuan ng puso ng ating Panginoon wala sigurong dahilan ang Diyos para hindi niya tayo pagbuksan ng pinto at papasukin sa kaniyang Tahanan sa pamamagitan ng kaniyang Simbahan.

Ang Panginoon natin ay hindi isang malupit na Diyos na pagkakaitan niya ang mga humihingi, naghahanap at pagsasaraduhan o kaya ay pagbabagsakan ng pinto ang bawat kumakatok.

Siya ang Diyos na punong puno ng awa kaya hinding hindi niya tayo pagkakaitan anoman bagay ang hinihingi, matatagpuan natin ang ating hinahanap at pagbubuksan niya tayo ng pinto.

Manalangin Tayo:

Panginoon naming Diyos, nagpapasalamat po kami dahil sa kabila ng aming mga kasalanan.

Patuloy mo kaming binibigyan at walang sawa mong binubuksan ang iyong pinto para kami ay papasukin sa kabila ng paulit-ulit naming pagkakasala.

AMEN