Albay Rep. Edcel Lagman Albay Rep. Edcel Lagman

Lagman: Pagpayag na pumasok ICC sa bansa di pagsuko ng soberanya

139 Views

IGINIIT ni Albay Rep. Edcel Lagman na ang pagtanggap sa International Criminal Court (ICC) para mag-imbestiga ay hindi pagsuko ng soberanya ng bansa.

“If we believe in the rule of law, then we must let ICC come in,” wika ni Lagman.

Ipinunto ni Lagman na ang pagpayag sa ICC na magsagawa ng imbestigasyon ay hindi magko-compromise sa ating national sovereignty bagkus ito ay pag-exercise sa ating soberanya.

Naghain ng House Resolution 1482 si Representative Lagman, habang naghain naman ng House Resolution 1477 sina Representatives Bienvenido Abante at Ramon Gutierrez, parehong layuning payagan ang ICC na pumasok sa bansa.

Ayon naman kay Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante, ang pagpayag ng bansa na papasukin ang ICC para mag-imbestiga ay nagpapakita lamang ng transparency at magdudulot ng magandang tingin sa ating bansa.

“Sa pamamagitan ng pagpayag sa ICC na pumasok, ito ay nangangahulugang ipinaaabot natin sa buong mundo na wala tayong tinatago dito,” pahayag ni Abante.

Iginiit ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights, na ang intensiyon sa pagpayag na makapasok ang ICC ay upang ipakita ang maayos na sistema ng hustisya sa ating bansa

“Gusto lang nating ipakita sa ICC at sa buong mundo na rin na gumagana ang ating justice system,” dagdag pa ni Abante.

Gayunpaman, iginiit ng mambabatas na hindi sila pwedeng mag-prosecute sa bansa.

“Pwedeng pumasok sila at magsagawa ng imbestigasyon at magtanong kahit sa pamilya ng mga biktima ngunit hindi sila pwedeng mag-prosecute,” nilinaw ni Abante.

Noong 2017, nag-withdraw ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC matapos ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng “crimes against humanity” kaugnay ng mga nasawi sa giyera laban sa droga ng pamahalaan, alinsunod sa utos noon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.