Nanumpa Nanumpa sina House Secretary General Reginald Velasco at House Sergeant-at-Arms retired police Maj. Gen. Napoleon Taas na magsasabi ng totoo, Lunes sa People’s Center sa House of Representatives.

Lahat ng protocol sinunod, Lopez hindi hinarass

37 Views

PINABULAANAN ng mga opisyal ng Kamara nitong Lunes ang mga alegasyon ni Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte, na nakaranas siya ng harassment at pagbabanta habang nasa detensyon sa House of Representatives.

Ipinakita nina House Secretary General Reginald Velasco at Sergeant-at-Arms Napoleon Taas ang ebidensiya, kabilang ang video footage, upang kontrahin ang mga paratang ni Lopez at iginiit na sinunod ang lahat ng tamang proseso.

Si Lopez ay nakadetine mula noong Nobyembre 20 matapos ideklarang in contempt ng House committee on good government and public accountability, dahil sa umano’y “undue interference” sa imbestigasyon sa P612.5 milyong confidential funds na sinasabing minanipula ni Duterte.

Sa isang press conference noong Biyernes ng gabi, inangkin ni Lopez na sapilitan siyang pinasok ng mga unipormadong tauhan sa kanyang detention room, tinakot at sinubukang kumpiskahin ang kanyang cellphone. Sinabi niyang nanganganib ang kanyang buhay at tinawag ang insidente na isang paglabag sa kanyang mga karapatan.

Itinanggi ng mga opisyal ng Kamara ang mga paratang ni Lopez at binigyang-diin na lumitaw lamang ang mga ito matapos iutos ng komite ang kanyang paglilipat sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City dahil sa mga alalahanin sa seguridad na may kaugnayan kay Vice President Duterte.

Depensa ni House Assistant Majority Leader at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing, patas ang naging trato kay Lopez at walang naganap na paglabag.

“Sana po malinaw ngayong umaga na kalmado ang pag-serve ng transfer order. Wala pong barging in, wala pong komosyon, wala pong pagnakaw ng cellphone, at wala pong pagpipigil ng access sa abogado,” pahayag ni Suansing sa pagdinig nitong Lunes.

“Wala pong attempt na i-breakdown ‘yung pinto. Binigyan po siya ng access sa medical personnel at medical services habang siya ay nasa ating detention facility,” dagdag pa niya.

Tinawag ni Suansing na walang basehan ang mga paratang ni Lopez ng harassment.

“Napakabigat po ng paratang ni Usec. Lopez na may pagbabanta sa kanyang buhay, na hinarass siya, na threaten siya. Sana po, naging malinaw na trinato siya ng mabuti ng ating Legislative Security Bureau at ng mga tao sa House,” aniya.

Sa kanyang interpellation, binanggit ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang mga hindi tugmang detalye sa salaysay ni Lopez at inusisa kung ang mga paratang ay bahagi ng tangkang sirain ang reputasyon ng Kongreso.

“Napanood po natin ‘yung mga statement na binitiwan po ng ating VP pati po ni Atty. Lopez at nakita po natin ang kaibahan ng istorya,” saad ni Khonghun. “Tingin po ba ninyo, SAA, may intensyon na baguhin ang kwento para makakuha ng simpatiya at pagmukhaing masama ang Kongreso?”

Mariing itinanggi ni Taas ang mga paratang at iginiit na protektado ang seguridad at karapatan ni Lopez sa lahat ng pagkakataon.

“We have all the video, we have all the proof to show na wala pong violation na nangyari sa buong period na ‘yun,” pahayag ni Taas. “Sinisiguro po namin na kaya namin patunayan ang totoong pangyayari para hindi kami masabihan na iba ang galaw namin.”

Nang tanungin kung nanganganib ba ang buhay ni Lopez, mariing itinanggi ito ni Taas.

“Kung may nanganganib man ang buhay noon, responsibilidad po ng Sergeant-at-Arms na tiyakin ang kaligtasan ng lahat. Sinisiguro ko po na walang mangyayari kahit kanino, detainee man o opisyal,” sabi niya.

Ayon kay Lopez, hatinggabi ng Biyernes, pumasok umano ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang detention room, nagpakita ng transfer order at tinangka siyang takutin.

“What happened was naka-pajama na kami because we’re going to sleep, and they [banged at my door] and they just entered, because in this facility the lock is outside,” ani Lopez.

Gayunpaman, iginiit ng mga opisyal ng Kamara na maayos at naaayon sa batas ang lahat ng naging aksyon.

“Sana po malinaw na walang harassment o pagbabanta ang naganap. Ang ating Kongreso ay nananatiling patas at makatao,” pahayag ni Suansing.

Sa ngayon, si Lopez ay nananatili sa Veterans Memorial Medical Center matapos iutos ni House Secretary General Reginald Velasco na manatili siya roon bilang konsiderasyon sa kanyang kalagayan.