BPPO

Laki ng eroplano susi sa murang airfare–CAB, DOTr

Jun I Legaspi Jan 30, 2026
162 Views

NAUUNAWAAN ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aeronautics Board (CAB) ang pagkabahala ng mga mananakay tungkol sa mahal na airfare sa mga domestic flights kaya gumagawa sila ng paraan para mapababa ang pamasahe sa eroplano gaya ng pagpapahaba ng mga runways sa mga busy airports.

Ayon sa CAB, ang presyo ng airline ticket nakasalalay sa laki ng eroplano at ang bilang ng pasaherong pwedeng isakay nito.

Kung malaki ang eroplano at maraming pwedeng isakay kaya pwedeng ibaba ang presyo ng tiket.

Ang kapasidad ng A330 umaabot sa 459 na pasahero, samantalang ang turboprop tulad ng ATR-72 ay 72 na pasahero lamang ang kapasidad.

Kung mas kaunti ang pasahero, mas mataas ang gastos bawat pasahero at magiging mas mataas ang pamasahe.

Ito ang dahilan kaya sa mga biyaheng maiksi ang runway gaya ng Catarman, Siargao, Antique at Busuanga maliliit na turboprop aircraft lang ang pwedeng lumipad.

Ang DOTr at ang CAAP ay tinutugunan ang suliraning ito sa pamamagitan ng pagpapahaba ng mga runway upang makapagserbisyo ng malalaking jet aircraft.

Binabantayan ng DOTr, sa pamamagitan ng CAB, ang kabuuang pamasahe ng mga airlines, lalo na sa domestic routes, kabilang ang Manila-Catarman upang matiyak na nananatiling patas at makatwiran ang singil.