Calendar
Ang kuha ng NBI agents sa isinagawang entrapment operation laban sa suspek ng sex kotong sa Makati City.
Source: NBI FB
Lalaki dinampot ng NBI dahil sa sex kotong sa ex
INARESTO ng National Bureau of Investigation-Fraud and Financial Crimes Division (NBI-FFCD) ang isang lalaki sa Makati City na nagbanta sa dating nobya na ikakalat ang intimate videos nito kung tumangging makipagtalik.
Hinuli ang suspek dahil sa reklamong grave coercion at paglabag sa Republic Act (RA) No. 9262, o Anti-Violence Against Women and Children, at RA 9995, o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009, na may mga kaugnayan sa RA 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nagresulta ang kaso sa reklamong inihain ng biktima sa NBI-FFCD laban sa dati nitong nobyo.
Inakusahan ng nagrereklamo na ipinasa ng kanyang dating nobyo ang kanilang intimate videos sa kanyang kaibigan at nagbanta na ibabahagi ito sa iba kung tumanggi itong makipagkita sa kanya at makipagtalik.
Dahil dito pinayuhan ng mga ahente mula sa NBI-FFCD ang biktima na makipagkita sa suspek at dito magsasagawa ng entrapment operation.
Nakipagkita ang biktima at sumama sa suspek. Dito na ikinasa ang entrapment operation at pumasok ang mga ahente ng NBI-FFCD sa silid kung saan dinala umano ng suspek ang biktima.
Positibong kinilala ng complainant ang suspek na nagbanta sa kanya.
Agad na inaresto ng NBI agents ang suspek at kinuha ang mobile phone nito na naglalaman ng mga tinutukoy na video.
“Ang operasyong ito ay hindi lamang sumasalamin sa dedikasyon ng NBl sa pagtataguyod ng panuntunan ng batas kundi nagtatampok din sa kanilang pangako sa pagprotekta sa mga mahihinang indibidwal, lalo na sa mga kababaihan mula sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala,” sinabi ni acting NBI Director Angelito Magno.

