Account

Lalaki kalaboso sa pagbebenta ng bank account

68 Views

KALABOSO sa isang entrapment operation ang 24-anyos na lalaki matapos magbenta umano ng kanyang bank account online sa halagang P2,500.

Ayon kay Quezon City District Anti-Cybercrime Team (QCDACT) chief, P/Lt. Col Cristopher Ubac, naaresto ang suspek sa harap ng isang bangko sa Brgy. Bago Bantay sa lungsod.

Nadiskubre umano ng cyberpatrollers ng QCDACT ang pinost ng suspek sa social media na ibinebenta nito ang kanyang bank account.

Agad nagkasa ng entrapment ang mga operatiba ng QCDACT at habang iniaabot ng suspek ang ATM card sa isang pulis na nagpanggap na bibili ay agad siyang inaresto.

Nakumpiska sa kanya ang ATM card at ang may markang “boodle” money.

Sinabi ni Ubac, ang mga ibinebentang luma o hindi nagamit na mga payroll account, ay maaaring magamit para sa mga ilegal na transaksyon.

Paliwanag niya, ipapasok ng mga scammers ang pera sa biniling account at pagkatapos ay agad ding ilalabas.

Binigyang-diin niya na mahigpit na ipinagbabawal ang magbenta ng personal bank accounts, ipagamit, ipahiram at maging ang pagbili nito.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (d) ng Republic Act 12010 o the Anti-Financial Account Scamming Act, na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act 10175, na mas kilalang Cybercrime Prevention Act of 2012 ang suspek na nagsabing hindi niya alam na may ganitong batas.

Naatid na mula noong Enero ngayong taon, pitong indibidwal na ang naaresto ng QCDACT na nagbebenta ng mga bank account at ATM card online.