Batangas

Lalaki nagkakalat ng bomb threat gamit CP nasakote

41 Views

Batangas1Batangas2KAMPO HENERAL MALVAR – Kalaboso noong Huwebes ang isang lalaki matapos masamsam ang grey na Tecno Camon smartphone na umano’y ginamit sa pagpapakalat ng bomb threat sa Alitagtag, Batangas.

Sa ilalim ng mahigpit na direktiba ni Batangas Police Provincial Office (BPPO) Provincial Director PCOL Oliver Ebora, nilusob ng magkasanib na puwersa ng operatina ng mga bayan ng Lemery at Alitagtag, RACU 4A, at ang Batangas Provincial Cyber Response Team, ang tahanan ng suspek na si alyas Ivan sa Brgy. Concepcion.

Bitbit ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) mula sa Regional Trial Court, Branch 2, ng Batangas City, hinalughog ng mga pulis ang bahay dahil sa patong-patong na reklamong paglabag sa Presidential Decree 1727 (Anti-Bomb Threat Law), Artikulo 282 (Grave Threats), at Artikulo 155 (Alarms and Scandals) ng Revised Penal Code, na nakaugnay sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nakuha sa operasyon ang cellphone na naglalaman ng Talk ‘N Text SIM card, na agad namang binusisi ng RACU 4A at nagpatunay na ito ang ginamit sa pananakot.

Malinaw ang babala ni PCOL Ebora sa mga nagbabalak manggulo gamit ang teknolohiya:

“Ang matagumpay na operasyong ito at ang mabilis na pagtukoy sa pinagmulan ay nagpapakita ng aming matatag na pangako sa pagprotekta sa mga tao ng Batangas. Bawat banta ay mahalaga at tutugunan ito ng tiyak at legal na aksyon. Hindi namin papayagan na magamit ang mga digital na plataporma upang maghasik ng takot o guluhin ang kaayusan ng publiko,” sabi ni Col Ebora.