Calendar
LALAKI NAKITANG BANGKAY SA LOOB NG VAN SA KAMIAS
NAKITA ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki sa loob ng isang van na nakaparada sa K-I Street, Barangay East Kamias, Quezon City, nitong Sabado ng hapon.
Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-3:40 ng hapon nang mapansin ng may-ari ng gray na Starex van ang masangsang na amoy na nagmumula rito kaya agad itong humingi ng tulong sa pulisya.
Rumesponde ang mga tauhan ng Anonas Police Station (PS 9) at nagsagawa ng ocular investigation sa lugar.
Batay sa paunang impormasyon, sinasabing isang palaboy ang biktima na ilang beses umanong nakikitang gumagala sa lugar bago natagpuan ang kanyang bangkay.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at malaman ang tunay na sanhi at mga pangyayari sa likod ng kanyang pagkamatay.

