Arestado

Lalaki nalambat sa pananaksak, pagnanakaw

Edd Reyes Mar 3, 2025
22 Views

TIKLO ang lalaki na pinaghihinalaang sumaksak sa 15-anyos na estudyante matapos tangayin ang motorsiklo at iba pang gamit ng biktima sa Valenzuela City noong Sabado.

Natunton ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban ang suspek na si alyas Rico, 27, alas-2:00 ng hapon sa Salazar St., Brgy. Parada habang minamaneho ang tinangay na motorsiklo sa 15-anyos na binatilyo.

Ayon kay Col. Cayaban, pumunta ang biktima sa bahay ng ka-klase sa Brgy. Parada upang humiram ng damit para sa school activity ng ma-ispatan siya ng suspek na kailan lang niya nakilala.

Nakiusap si alyas Rico sa biktima na samahan muna siya sa Santiago St., Brgy. Gen. T. De Leon na pinagbigyan ng binatilyo.

Pagdating sa eskinita sa Santiago St., doon na hinoldap at pinagsasaksak sa leeg ng suspek ang biktima bago tumakas tangay ang motorsiklo, helmet, cellular phone at damit ng biktima.

Nakilala ni P/Capt. Ronald Bautista, commander ng Valenzuela Police Sub-Station 2, ang suspek na dati ng may mga kasong pagnanakaw, panghoholdap, pananakot, ilegal na sugal, at alarm and scandal na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong robbery with serious physical injuries, carnapping at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, matapos makumpiska sa kanya ang isang kalibre .38 revolver at tatlong bala.