Granada

Lalaki nanakot pasabugan ng granada taga-Pasay, huli

Edd Reyes Nov 16, 2024
51 Views

GUSTO n’yo magkalasog-lasog kayo?”

Ganito binantaan ng 29-anyos na kelot ang mga nakatambay na kalalakihan sa kanilang lugar, hawak ang isang buhay na granada Biyernes ng gabi sa Pasay City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, dakong alas-10 ng gabi nang maghamon ng away si alyas “Bry”sa hindi pa malamang dahilan sa Barangay 148 Zone 16 habang nakasuksok ang daliri sa pin ng hawak na granada na tanda na handa niya itong pasabugin.

Nagkataong nagsasagawa ng surveillance operation sa naturang lugar ang mga intelligence officer ni Pasay Police Chief P/Col. Samuel Pabonita kaugnay sa tinutugis nilang lider ng isang grupo ng krimnal kaya’t sila ang nahingan ng tulong ng mga kalalakihan.

Nang magtungo sa lugar ang mga naka-sibilyang pulis, nasundan nila ang suspek sa Sgt. Mariano Public Cemetery at dito na nila dinamba, sabay hablot sa hawak na granada.

Nang suriin ng mga pulis ang granada, natuklasan na tunay at nakakapinsala ito sa buhay at ari-arian kaya’t maingat nilang nilagyan ng masking tape upang mapangalagaan ang nakalagay na pin.

Nakapiit na sa custodial facility ng Pasay Police Station si alyas Bry na nakatakdang iprisinta sa City Prosecutor’s Office para sa kakaharaping kasong paglabag sa RA 9516 o Illegal Possession of Explosives.