Lalamove Source: File Lalamove photo

Lalamove driver hinoldap na, binaril pa, buhay

Edd Reyes Mar 26, 2026
252 Views

HINOLDAP na, binaril pa ng pinaniniwalaang riding-in-tandem (RIT) ang Lalamove driver na kanilang biniktima noong Miyerkules sa Sariaya, Quezon.

Isinugod sa Candelaria United Doctors Hospital ng mga nakasaksi si alyas Chester, 26, at nakaratay pa rin sanhi ng mga tama ng bala sa kaliwang braso at dalawang binti.

Sa ulat ng Sariaya police, may kinukuha ang biktima sa Brgy. Concepcion, Palasan, Sariaya nang dumating ang RIT dakong ala-1:20 ng hapon at nagdeklara ng holdap habang nakatutok ang baril.

Puwersahang hinablot ng mga suspek ang cellular phone ni Chester at bago tumakas ay pinagbabaril pa ng angkas ang biktima.

Nagsasagawa na ng back at forward tracking operation sa mga kuha ng CCTV ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.