Lani

Lani, aliw mag-yaya sa limang apo

566 Views

MATAPOS ang halos dalawang taon na pagkaka-lockdown sa ’Pinas dahil sa Covid-19 pandemic, balik-Amerika na nga ang Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha para sumabak sa isang series of concerts kasama ang balladeer na si Nonoy Zuñiga.

Tinawag na Timeless Seasons, produced ito ng Amore Entertainment ni Pia Legaspi sa ilalim ng direksyon ng US-based musical director na si Louie Ilustre.

Sa virtual mediacon para rito, sinabi ni Lani na handang-handa na siyang kumasa sa stage at makipagsabayan kay Nonoy sa pagkanta.

Aniya, kinailangan niyang dumaan sa retraining dahil half deaf na nga siya dala ng imbalance na dulot ng kanyang pagkakasakit (bacterial meningitis at vestibular disability).

Masayang-masaya nga ang singer na kahit papa’no, may progress daw siyang nakita sa sarili niya bago umalis ng ’Pinas.

Dati kasi, paupo siya kumanta dahil siguradong tutumba kapag tumayo siya.

Kwento ni Lani, “Nakakakanta na ako nang nakatayo pero nakapaa para nararamdaman ko ’yung ground. Bago ako bumalik ng Amerika, nag-All-Out Sundays ako, ’yung isang progress na nakita ko sa akin, nakakapag-high heels na ako na hindi natutumba.

“So, kakayanin kung kakayanin. Sa awa ng Diyos, kung anuman ang ibibigay Niya, kumbaga, kay Celine Dion, my heart will go on.”

Maging si Nonoy, hanga sa husay ni Lani dahil para raw itong walang sakit.

Bukod sa paghahanda para sa Timeless Seasons, aliw din si Lani sa pagkakataong makasama ang kanyang limang apo.

“After 22 months, I’m happy to be back with my five grandchildren, to be playing with them every single day,” aniya.

Blessing nga raw ang pagiging yaya niya sa mga ito ngayong panahon ng pandemya.

“I’m just happy being back home. Home naman could be anywhere as long as you have your loved ones with you, you’re enjoying your life at the moment. I can consider home anywhere. At the moment, I consider Las Vegas home with my two daughters and grandchildren,” paliwanag pa ni Lani.

Bilang bonus, ang Timeless Seasons nila ni Nonoy ang bale isa sa live performances na magbubukas sa live concert scene doon na natigil dala ng Covid-19 restrictions.

Kabilang sa makakasama nina Lani at Nonoy bilang guests ang WCOPA champion na si Jed Madela, Jazz Diva Louie Reyes, Garth Garcia (Beverly Hills) at Tim Pavino (Seattle).

Ang Timeless Seasons ay unang magtatanghal sa SABAN Theater Beverly Hills California (March 20). Susundan ito ng performances sa Snoqualmie Casino Seattle WA (March 26); San Mateo Performing Arts Center San Mateo CA (April 1); Pala Casino, Pala CA (April 2) at Bally’s Casino Atlantic City NJ (April 9).

Hatid ito ng presenter na Sendwave, isang fee-free money transfer app.