Layunin ng Moringa Bill binigyang diin

44 Views

PINANGUNAHAN ni Senator Cynthia Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, ang pampublikong pagdinig kaugnay ng panukalang batas sa Moringa o malunggay. Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang-diin niya ang layunin ng panukalang ito na magtatag ng komprehensibong balangkas para sa pagpaplano, pagpapaunlad, at promosyon ng moringa.

Binanggit ni Villar ang natatanging katangian ng moringa pagdating sa nutrisyon at medisina, na tinawag niyang “miracle tree.” Ayon sa kanya, mahalaga ang papel ng moringa bilang pangunahing pinagkukunan ng pagkain sa mga kanayunan at lumalawak ang pagkilala rito bilang superfood na may malaking potensyal sa pandaigdigang industriya ng kalusugan at wellness.

Layunin ng panukalang batas na ito na magpatupad ng organisadong estratehiya para sa paglinang ng industriya ng moringa sa pamamagitan ng tamang koordinasyon at pagpaplano, pananaliksik, at suporta para sa mga lokal na magsasaka.

Hangad nitong pagbutihin ang produksyon at kalidad ng mga produktong gawa sa moringa, gayundin ang pagtataguyod ng malakas na estratehiya sa export upang gawing pangunahing tagapagtustos ang Pilipinas sa pandaigdigang merkado ng moringa o mas kilala bilang malunggay.

“The Moringa Bill is an opportunity to leverage our natural resources in a way that benefits not only our economy but also the health and well-being of people around the world,” ani Villar.

Binigyang-diin din niya ang potensyal ng panukalang batas na ito na itaas ang kita sa kanayunan, lumikha ng trabaho, at mag-ambag sa napapanatiling kaunlarang pang-ekonomiya sa pamamagitan ng pagsulong ng mga pinakamahusay na gawain at pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at negosyante.

Sa pagdinig, humingi ng opinyon mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, Bureau of Plant Industry, Commission on Higher Education, at Department of Budget and Management.

Inanyayahan din ni Villar ang mga magsasaka ng moringa, kooperatiba, pundasyon, at negosyante na ibahagi ang kanilang mga pananaw at suhestiyon upang higit pang mapahusay ang panukalang batas.

“This public hearing is a crucial step in ensuring the Moringa Bill meets the needs of all stakeholders. Together, we can work towards a future where moringa plays a significant role in our agricultural and economic landscape,” pagtatapos ni Villar.