Benitez

League of Cities suportado pag-amyenda sa Konstitusyon

135 Views

BUO ang suporta ng League of Cities of the Philippines (LCP) sa isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon.

Ito ang sinabi ni LCP national chairperson Alfredo Abelardo “Albee” Benitez, ang alkalde ng Bacolod sa isang panayam sa DZBB.

“Matagal nang usapin itong charter change. Simula pa lang noong panahon ni dating President Ramos ay pinag-uusapan na talaga ng pagpalit ng Konstitusyon natin, dahil nakikita natin na maraming restrictive na provisions na nagiging hadlang sa ating pag-unlad,” sabi ni Benitez.

“And that’s why gumagawa tayo ng hakbang para mapalitan. Every administration, kung mapapansin nyo, pinag-uusapan ito, so hindi bago ito,” dagdag niya.

Upang ipakita ang kanilang suporta, sinabi ni Benitez na pinagtibay ng executive board ng LCP ang isang resolusyon kung saan nakasaad na maigting nitong sinusuportahan ang pag-amyenda sa 1987 Constitution, na higit 36 taon nang umiiral at hindi pa nababago.

“Ang kagandahan lang nitong administration na ito, sa simula pa lang ay pinag-uusapan na … Pumasa na po ng resolution ng executive board ng League of Cities para suportahan ang pag-amend ng Constitution,” sabi ng alkalde ng Bacolod.

Nilinaw naman ni Benitez na hindi pa napagdedesisyunang ng LCP kung anong pamamaraan ang nais nitong gamitin sa gagawing pag-amyenda bagamat bahagya na itong natalakay.

“Hindi pa talaga pinag-uusapan kung ano ang mga babaguhin sa Saligang Batas. Ang pinag-uusapan pa lang, ang pagkaintindi ko, is the manner of how to change the Constitution … Ang isang pinag-uusapan muna paano natin aamyendahan ang Konstitusyon na sang-ayon sa nagugustuhan ng taumbayan,” dagdag pa ni Benitez.

Lahat aniya ng ito ay pagpupulungan pa ng LCP at ang malinaw pa lamang sa ngayon ay ang pag-sang-ayon nito na amyendahan ang Saligang Batas.

Nauna ng nagpahayag ng pagsuporta sa panukalang Charter change ang League of Municipalities of the Philippines-Albay Chapter.