Kapunan

Legal team ni VP Sara unti-unti ng nasisira ang diskarte — Kapunan

Mar Rodriguez May 6, 2026
27 Views

MISTULANG desperado at unti-unti ng nagkakawindang-windang ang diskarte ng “legal team” ni Vice President Sara Duterte para sa napipintong Senate impeachment trial, ayon sa abogado de campanilla na si Atty. Lorna Kapunan.

Sa panayam ng DZMM TeleRadyo, ipinahayag ni Atty. Kapunan na “parang nagkakagulo na yung messaging nila sa defense team because from what we’ve heard. Sabi ni Atty. Poa in an interview na we are ready to go to the Senate. Meron na siyang “if we go to the Senate”, sandali. Dati ready na kayo, ngayon parang, parang hindi pa kayo ready,” ayon kay Kapunan.

Sinabi din nito na ang mga ipinapakalat na “fake news” ng mga Duterte trolls laban sa kaka-apruba pa lamang na impeachment case ay indikasyon na natatakot o kinakabahan na ang kampo ng Bise Presidente sakaling tuluyan ng umakyat sa Senado ang rekamo.

“Huwag tayong makinig sa mga maritess, sa mga trolls na yan. Kasi nagiging maingay na, and to me that is an indication of takot na sila, lumalakas ngayon ang troll army ni Vice President because gumagawa sila ng counter narrative to the truth. To me, that is an indication of fright or flight,” sabi ni Kapunan.

Binigyang diin ni Kapunan na kasalukuyang lumalakas ang “troll army” ni VP Sara sapagkat sinasadya umano ng mga ito na gumawa ng “counter narrative” laban sa kung ano ang katotohan kaugnay sa impeachment case laban kay Duterte.

Ayon sa kaniya, pinagsisikapan ngayon ng mga Duterte trolls na magpalaganap ng fake news sa pamamagitan ng pahayag na: “ang mga kongresistang pumirma umano sa committee report ng House Committee on Justice ay unti-unti ng nag-aatrasan”.

Dahil dito, pagbibigay linaw ni Atty. Kapunan na ang impormasyong ipinapalaganap ng naturang troll army ay fake news. Kung saan, ipinaliwanag nito na sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na committee report ang Justice Committee.

Nilinaw pa ni Atty. Kapunan na hindi naman nilalagdaan ang committee report taliwas sa maling ulat na ipinapakalat ng troll army ni VP Sara. Bagkos, ito ay inaaprubahan sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay ng mga miyembro ng Komite.

“Over the weekend nag-overdrive sila sa mga trolls nila at sinabi na yung pumirma daw ng report ng committee ay nag-atrasan na. Number one, fake news yun. Wala pang report ng committee over the weekend, nuong Monday lang nagkaroon ng report, at ang report hindi naman pinipirmahan iyan, raise your hand lang iyan,” paglilinaw ni Atty. Kapunan kaugnay sa committee report.