Calendar
LEGARDA ITINUTULAK AWTOMATIKONG PONDO NG PHILHEALTH
INIHAIN ni Senador Loren Legarda ang isang panukalang batas na naglalayong ipatupad ang awtomatikong paglalaan at agarang pagpapalabas ng mga pondong itinatakda ng batas para sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ang Senate Bill No. 1662, na tinawag na PhilHealth Automatic Funding Act, ay nag-aatas na ang lahat ng kita at pondong nakalaan sa PhilHealth sa ilalim ng umiiral na mga batas ay awtomatikong ilaan at ilabas, nang walang pagkaantala dulot ng diskresyon.
“Ang Universal Health Care ay isang pangakong dapat tuparin nang malinaw at taos-puso,” pahayag ni Legarda. “Hindi dapat kailanman malagay sa alanganin ang PhilHealth dahil sa mga pagkaantala o paglilihis ng pondo. Bawat pisong inilaan para sa kalusugan ng ating mamamayan ay dapat makarating nang buo sa tamang destinasyon at oras.”
Sinabi ni Legarda na mula sa mga pagdinig sa badyet hanggang sa pagpapatibay ng pambansang badyet, paulit-ulit niyang iginiit ang pangangailangang tiyakin ang proteksiyon at transparency sa pondo ng PhilHealth.
Ayon sa senador, patuloy na hindi ganap na nailalabas ng pamahalaan ang mga pondong itinatakda ng batas, kabilang ang sin taxes at mga bahagi mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office, na nakaapekto sa kakayahan ng PhilHealth na maghatid ng mga benepisyo.
Binanggit din niya na ang mga alokasyon sa mga nakaraang National Expenditure Program ay hindi umabot sa mga halagang hinihingi ng batas.
Tinukoy ni Legarda ang desisyon ng Korte Suprema na nag-aatas sa pagbabalik ng 60 bilyong piso sa PhilHealth at nagbabawal sa karagdagang paglilihis ng pondo bilang patunay na ang pondong pangkalusugan ay dapat manatili sa ahensiya.
Sa ilalim ng panukalang batas, awtomatikong ilalaan at direktang ilalabas sa PhilHealth ang lahat ng nakatalagang kita upang maiwasan ang pagkaantala at matiyak ang tiyak at tuloy-tuloy na pagpopondo.
Nakasaad din sa panukala ang pag-aatas sa Bureau of Internal Revenue, PAGCOR, at PCSO na magsumite ng quarterly report sa Kongreso hinggil sa kanilang mga remittance at ilathala ang mga ito sa kani-kanilang opisyal na website.
Ayon kay Legarda, layon ng probisyong ito na palakasin ang transparency at bigyan ng kakayahan ang publiko na masubaybayan ang paglipat at paggamit ng pondo.
“Ang matatag na pagpopondo ang backbone ng universal healthcare,” diin ni Legarda. “Sa pag-aatas ng awtomatikong paglalabas ng pondo, pinatitibay ang oversight, isinusulong ang transparency, at tinutulungan ang PhilHealth na makapaghatid ng mas pinalawak na benepisyo sa mga pamilyang Pilipino.”
Dagdag niya, mahalaga ang awtomatikong paglalabas ng pondo ng PhilHealth upang mapanatili ang pambansang sistemang pangkalusugan at maisakatuparan ang universal health care.

