Leni

Leni ‘tyope’

275 Views

Robredo laglag sa Bayang Sabungero 

HANGGANG ngayon ay galit ang daang libong bilang na mga sabungero sa bansa kay Leni Robredo dahil sa ipinalabas nitong pahayag na dapat itigil na ang e-sabong o online sabong sa Pilipinas.

Kung matatandaan, lumabas ang ulat na walang makukuhang boto sa darating na Mayo 9 si Robredo mula sa mga sabungero at trabahador sa sabungan dahil nga sa panawagan nitong ihinto na ang online sabong sa bansa.

Masakit kasi para sa kanila ang binitiwang salita ni Robredo sa programang “Kandidatalks” presidentiables series na ipinalabas ng TV5 nitong Marso 25 kung saan ay iginiit nito na dapat ihinto ang operasyon ng e-sabong sa lalong madaling panahon dahil nakakaapekto na umano ito ng malaki sa pamilyang Filipino.

Dahil dito, maraming sabungero ang nadismaya kay Robredo.

“Masyado siyang nagmamalinis! Bakit wala bang illegal gambling sa probinsiya n’ya? Hindi ba kamag-anak mismo nila ang may pa-jueteng sa Camarines Sur? Napaka-ipokrita n’ya!” sabi ng isang Bicolanong mananari.

“Iniimbestigahan na nga di ba? Bakit kailangang ipasara? Alam ba niya na sa e-sabong kami kumukuha ng kinakain namin araw-araw? Me ipapakain ba siya?” sabi naman ni Mang Kanor mula sa Indang, Cavite.

“Palibhasa, sanay siyang mandaya noon pang 2016. Kaya pati iyong mga rally nila ngayon ay dinadaya nila sa pamamagitan ng photoshop at pinalalabas na marami kunwari. Alam ba niya na ang tawag sa mga mandaraya sa sabong ay tyope? Para sa amin, si Leni ang manyonyope hindi lang sa sabong kundi sa tunay na kalagayan ng mga mahihirap na tao sa bansa,” sabi naman ng isang caretaker ng sabungan mula sa Laguna.

Nabatid na bukod sa bilyon-bilyong halaga na pinapasok ng online sabong sa kaban ng pamahalaan dahil sa malaking buwis nito, marami ring pamilya ang nabigyan ng kabuhayan dahil sa operasyon nito.

“Ang tinitingnan lamang ni Robredo yung maliit na bahagi na naging problema ng e-sabong. Bakit hindi niya tingnan ang mas malaking tulong nito. Hindi ba niya alam na mas maraming binuhay na pamilya ng dahil sa e-sabong,” sabi ng isa pang game farm owner na tumangging ring magpakilala.