Letran Matapos ang dalawang taon, magbabalik ang NCAA men’s basketball ngayong March 26. Photo by Dennis Abrina

Letran sasabak na sa NCAA opening

Theodore Jurado Mar 20, 2022
275 Views

SISIMULAN ng Letran ang kampanya para sa ikalawang sunod na titulo laban sa host College of Saint Benilde sa paglarga ng NCAA men’s basketball tournament sa March 26 sa La Salle Greenhills Gym.

Maghaharap ang Knights at ang Blazers, na gigiyahan na ni Charles Tiu, sa alas-3:30 ng hapon matapos ang isang oras na opening ceremony.

Uumpisahan naman ng San Beda ang kanilang hangarin na makabangon sa pakikipagtipan sa Lyceum of the Philippines University, na mamanduhan na ni Gilbert Malabanan, sa ikalawang laro sa alas-7:05 ng gabi.

Ipapalabas ang dalawang laro sa bagong television carrier ng liga, ang GTV.

Magdaraos rin ang NCAA ng women’s volleyball na lalaruin makaraan ang men’s basketball event, bukod sa online taekwondo at chess events.

Matapos ang dalawang taong pagkawala, sinabi ni NCAA Season 97 Management Committee chairman Dax Castellano ng CSB na hinaharap nila ang pagsagawa ng face-to-face tournaments.

“I would like to honor CHED for preparing and guiding us,” sabi ni Castellano sa media launch sa GMA Network Studio 6 kahapon. “I’m very sure it will be a successful and entertaining competition.”

Ang iba pang marquee match-ups sa men’s basketball ay ang Season 95 Finals rematch sa pagitan ng San Beda at Letran sa alas-12 ng tanghali sa April 12, Letran at LPU, na nagtagpo sa Season 95 second step-ladder semis sa alas-t 3 ng hapon sa April 17, at San Sebastian at Letran, na nagtuos naman sa Season 95 first step-ladder semis sa April 26 sa alas-3 ng hapon.

Ang tournament format ngayong season ay single-round eliminations, na taliwas sa traditional double-round robin.

“We agreed on a single-round format because this is a challenging time,” sabi ni Castellano. “We have four phases, the eliminations, play-in, semifinals and Finals. We are prepared for it.”

Ang top two teams matapos angf elimination round ay uusad agad sa semis tangan ang twice-to-beat advantage.

Lalong magbibigay ng excitement ay ang play-in format na siyang magdedetermina sa dalawa pang semifinalist, kung saan maglalaban-laban ang mga koponan na magtatapos sa third hanggang sixth makaraan ang elims.

“We give chances the No. 5 and 6 teams to make it to the semifinals,” sabi Castellano.

Sa play-in, magtutuos ang 5th at 6th-ranked teams sa do-or-die game, kung saan ang magwawagi ang siyang makakalaban sa matatalo sa match-up sa pagitan ng 3rd at 4th-ranked squad upang madetermina ang huling semifinalist.

Ang mananalo sa duelo ng No. 3-No. 4 ay papasok sa semifinals.

Ang mga tabla sa No. 6 spot sa play-in, ayon kay Castellano, ay babasagin sa pamamagitan ng FIBA quotient.

Walang fans at cheering squads sa Mandaluyong venue kung saan idaraos ang NCAA men’s basketball tournament sa bubble.

Dahil sa gumaganda na ang health situation ng bansa, sinabi ni Castellano na hindi malayong magkaroon ng audience sa crucial stage ng season.

“Should our situation improves further, games for the semis, Finals could move to bigger venues and potentially, with fans,” sabi ni Castellano.

Mga laro sa March 26

(La Salle Greenhills Gym)

2:30 n.h. – Opening Ceremonies

3:30 n.h. – CSB vs Letran

7:05 n.g. – San Beda vs LPU