Letran, St. Benilde Umaasa si coach Bonnie Tan na makakakuha ang Letran mula sa kanilang reserves na sina Tommy Olivario at King Caralipio upng mapalawig ang kanilang dynasty sa NCAA men’s basketball tournament. NCAA-GMA photo

Letran, St. Benilde magtutuos para sa korona

Theodore Jurado Dec 18, 2022
291 Views

MAGTUTUOS ang Letran at College of Saint Benilde sa huling pagkakataon para sa kampeonato sa NCAA men’s basketball championship sa Ynares Center sa Antipolo City ngayon.

Ang tip-off ay sa alas-3 ng hapon sa laro na simulcast sa GMA 7 at GTV.

Kinuha ng Knights ang opener, 81-75, bago humabol ang Blazers at nakatabla sa Finals series sa 1-1 matapos ang 76-71 tagumpay.

Hindi maaasahan si Fran Yu, na na-eject sa Game 2 dahil sa disqualifying foul kay Mark Sangco, lalo na ang kanyang leadership.

Nag-aalala si coach Bonnie Tan na matatagalan ang Letran sa kaagahan ng laro na makapag-adjust na wala ang Season 95 Finals MVP.

“Ang biggest challenge is playing without a leader sa loob ng court, paano kami manalo, paano mag-close out ng games sa endgame. Alam naman natin anong binibigay ni Fran Yu bilang leader namin and sa court sa endgame,” sabi ni Tan.

Upang maitaas ang morale sa training, bumusita sa Knights ng ilang miyembro ng mga nakalipas na championship runs sa pangunguna ni Season 95 hero Jerrick Balanza.

Mangunguna sina Brent Paraiso, Louie Sangalang at Kurt Reyson para sa Letran, na tatangkain ang unang three-peat magmula pa noong 1982-84 at ang ika-20 titulo sa kabuuan.

Ang Knights ay may three-game winning streak sa Game 3s, kung saan nagwagi sila sa Finals decider noong 2005, 2015 at 2019. Ang ikalawang sunod na titulo ng Letran noong Mayo ay sweep laban sa Mapua.

Hangad ang unang kampeonato magmula pa noong 2000, pinatunayan ng Benilde na hindi sila magba-back down sa anumang ibabato sa kanila ng katunggali, lalo na sa Game 2.

“We just try to believe, really, that we can compete with this team. We talked about having to match their physicality, that we can’t let them bully us there. And I’m happy with the way they responded for most of this game,” sabi ni Blazers coach Charles Tiu.

Ang trio nina season MVP Will Gozum, Migs Oczon at Miggy Corteza ang magbibida sa Benilde, na sasalang sa kanilang kauna-unahang Game 3.

“Hindi naman ibibigay ng Letran iyan nang madali sa amin pero kami, focus lang kami. Job’s not done for us,” sabi ni Gozum.

“Gusto naming makuha ‘yung championship para buong CSB community masaya and patuloy kaming suportahan,” aniya.