Sunog File photo ni JON-JON REYES

LGU inudyok bigyan prayoridad mabawasan insidente ng sunog

22 Views

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan o mga LGU na bigyang prayoridad ang pagtatatag ng fire-resilient communities at binigyang diin ang mabilis na pagtugon sa mga insidente ng sunog habang patuloy itong nagdudulot ng malaking hamon sa buong bansa.

Sinabi ni Gatchalian ang pangangailangan para sa mga LGU na magpatupad ng isang inisyatiba na may iba’t ibang aspeto na naglalayong mabawasan ang mga insidente ng sunog at pataasin ang kamalayan ng publiko. Kabilang dito ang edukasyon sa pag-iwas sa sunog, pag-access sa mga gamit sa kaligtasan, at pagsasama ng mga fire safety drill sa regular na kurikulum ng paaralan upang maturuan ang bawat miyembro ng komunidad.

“Dapat magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng local government units upang mapahusay ang firefighting resources ng mga ito at mapabilis ang oras ng pagtugon lalo na sa mga lugar na underserved,” sabi ni Gatchalian, habang namimigay ng tulong sa mga nasunugan sa Bacoor, Cavite at Sampaloc, Manila.

Sa Bacoor, Cavite, higit 200 na pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa kahabaan ng Waling-Waling St., Barangay Zapote I noong Enero 13. Namahagi ang tanggapan ni Gatchalian ng 300 sako ng bigas, bawat isa ay naglalaman ng 10 kilo ng bigas, na nagkakahalaga ng P114,000.

Samantala, sa Barangay 458 sa Sampaloc, Maynila, nasa 500 pamilya ang naapektuhan ng sunog noong Enero 16. Namigay rin si Gatchalian sa kanila ng 400 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P152,000.

“Higit pa sa agarang tulong na ating ibinibigay, layon nating tiyakin na maiwasan ang mga ganitong klase ng sakuna sa hinaharap. Mahalagang mabigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang bawat residente, kabilang na ang mga kabataan, upang malaman nila ang tamang hakbang para sa fire prevention nang sa gayon ay mapanatiling ligtas ang kanilang mga tahanan at komunidad,” ani Gatchalian.

Iniulat din ng Bureau of Fire Protection o BFP ang sunud-sunod na mga insidente ng sunog na nagresulta sa malaking pinsala sa ari-arian at paglikas ng mga residente.

Noong Enero 21, isang sunog sa bodega sa Barangay 254, Sta. Cruz, Maynila ang nagdulot ng tinatayang P8 milyon na pinsala. Nauna rito, noong Enero 20, isang cold storage facility sa Fernando Poe Jr. Avenue, Brgy. Del Monte, Quezon City ang nasunog din. Sa Mandaluyong City, isang sunog sa residential area noong Enero 19, na nag-iwan ng dalawang sugatan.