MMDA

Libreng insurance para sa kawani ng MMDA pinalawig

Edd Reyes Nov 17, 2025
260 Views

PINALAWIG pa ng Pru Life UK ang pagkakaloob ng libreng insurance sa aksidente sa mga kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ito na ang ikawalong sunod na taon ng patuloy na pagtutulugan ng MMDA Pru Life UK para sa pagkakaloob ng libreng insurance support sa lahat ng kawani ng ahensiya sakaling maaksidente habang gumaganap sa tunkulin.

“Magbibigay ito ng karagdagang proteksyon sa mga frontliner na nagtatrabaho araw-araw sa ating mga kalsada, sa trapiko, pagbaha, at pagtugon sa kalamidad,” pahayag ni MMDA Chairman Atty. Don Artes matapos na lagdaan ang kasunduan sa pagitan ng ahensiya at Pru Life UK Lunes ng umaga.

Dagdag pa ni Chairman Artes, nagpapaalala ang partnership na ito na kapag ang pamahalaan, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at pribadong sektor ay nagtutulungan sa iisang layunin, masisiguro ang kapakanan at seguridad ng mga kawani at ng kanilang pamilya.

Ayon naman kay Rozanne Magararu, Pru Life UK Chief customer at marketing officer, patuloy silang magbibigay ng Group Personal Accident Insurance coverage sa mga kawani na aniya ay isang pribilehiyo para sa kanila na palawigin pa sa accidental death at disablement benefits, gayundin sa burial assistance sa hanggang 8,000 tauhan ng MMDA.

Kabilang naman sa mabebenipisyuhan ng libreng insurance ang mga traffic enforcer at street sweeper bilang bahagi ng na-renew na kasunduan.