Tulfo1

Libreng mammogram, ultrasound sa lahat ng kababaihan madaliin—Rep. Tulfo

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
155 Views

PINAMAMADALI ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang pagbibigay ng libreng mammogram, ultrasound at iba pang test sa mga kababaihan kasabay ng pagdiriwang ng National Women’s Month.

Sa pagdinig nitong Martes ng House Committee on Ways and Means, Committee on Senior Citizens at Special Committee on Persons with Disabilities ukol sa pagbibigay ng diskwento at mga benepisyo sa mga senior citizen at PWDs, iginiit ni Tulfo na dapat ding bigyan ng libreng benepisyo sa mga medical examinations ang mga kababaihan na miyembro ng PhilHealth.

“It was brought up (during last hearings) yung basic diagnostics, x-rays, ultrasound, ECG and particularly mammogram should be free courtesy of PhilHealth lalo na mga kababaihan particularly women’s month ngayon,” ani Tulfo.

“Pwede po ba gawing libre na ang mammogram para sa mga kababaihan natin. I think nasa top five po ng causes of death ng Filipino women ang cancer of the breast,” Ayon kay Tulfo ng ACT-CIS partylist.

Iginiit pa ni Tulfo na ito rin ang kahilingan ni Rep. Yedda Marie Romualdez, ng Tingog Partylist base sa kanilang mga pagpupulong.

“Ito ang napagkasunduan namin ni Rep. Yedda Romualdez sa aming pag-uusap na talagang dapat ay may libreng mga medical examinations ang mga kababaihang miyembro ng PhilHealth,” dagdag ni Tulfo.

Ayon sa report ng Phil. Star noong Aug. 2023, aabot sa 86,484 ang may cancer sa Pilipinas. Sa naturang bilang, aabot sa 27,163 dito ang breast cancer ang naiulat kada taon.

Lumalabas din na 9,926 Filipino women na ang nasasawi sa breast cancer o pangatlo sa pinaka nakamamatay na uri ng cancer sa mga kababaihan.

Tugon naman ni PhilHealth Regional Office NCR Vice Pres. Bernadette Lico na ginagawan na nila ng paraan ang kahilingan ni Rep. Tulfo.

“Your recommendation for ultrasound and mammogram will be included later on kapag nagkaroon na po tayo ng comprehensive allocation benefit package,” ani Lico.

Pero giit ni Tulfo dapat itong madaliin ng PhilHealth.

“Can we fast track it or can we do something about it kasi check-up will be a preventive measure para po sa ating mga kababaihan. Para yung mga kababaihan alam nila kung ano ang gagawin nila kung ma-detect ang kanilang sakit at an early stage then she can be treated,” pahayag ni Tulfo.

“Why not gawing libre kapag member siya ng PhilHealth. Kahit once a year lang na pwede po yung member magpa-checkup ng mammogram o kaya po ultrasound. Because it is badly needed by our women,” dagdag ng mambabatas.

Ayon kay Lico kasama talaga sa mga miyembro ng PhilHealth ang mammogram, ultrasound at iba pang test sa mga na-diagnose na may cancer, pero giit ni Tulfo dapat din ibigay ang libreng test sa lahat ng kababaihang miyembro kahit walang cancer.

“Wag naman po na librehin lang natin yung may cancer na dapat even before na magkasakit po ng cancer pwede po ba sagutin ng PhilHealth,” giit ni Tulfo.

Sumagot naman ang PhilHealth na agad nilang ipararating sa kanilang tanggapan ang rekomendasyon ni Tulfo at agad nila itong aaksyunan.