Lider

Lider ng 5 holdaper utas sa listong sekyu

Edd Reyes Aug 15, 2024
39 Views

UTAS sa listong security guard ang lider ng limang holdaper na nanloob sa tindahan ng prutas habang naaresto ng pulisya ang isa pa niyang kasama sa krimen noong Miyerkules sa Makati City.

Bumulagta si alyas Jeric, 27, lider umano ng holdup group, matapos mabaril ng guwardiyang si alyas Roco.

Tinutugis pa ang tatlo matapos maaresto kaagad ang isa na hindi na binanggit ang pangalan dahil tuloy ang imbestigasyon sa krimen.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, alas-2:50 ng madaling araw nang pasukin ng limang armadong holdaper ang tindahan ng prutas sa Gil Puyat Ave. malapit sa kanto ng Osmena Highway, Brgy. San Isidro.

Pinadapa at kinuha ang cellphone ng guwardiya at ng kahera habang umakyat naman sa ikalawang palapag ang dalawang holdaper.

Nang marinig ng mga holdaper ang wang-wang ng mga tauhan ng San Isidro Police Sub-Station, nataranta ang mga ito at doon na tumayo ang guwardiya at nakipagbarilan na sa mga holdaper na ikinasawi kaagad ng kanilang lider.

Walang nakulimbat na pera mula sa tindahan pero natangay ang dalawang cellular phone na may value na P50,000.

Nakuha ng mga pulis sa lugar ng krimen ang isang kalibre .9mm, siyam na bala, isang kalibre .38 revolver, tatlong basyo at isang bala sa chamber.