Calendar
Lider ng Kamara iminungkahi imbestigasyon sa pekeng balita sa social media
PINAIIMBESTIGAHAN ng pitong lider ng Kamara de Representantes ang naglipana umanong mga peke at malisyosong post sa iba’t ibang social media platforms, kasabay ng pagpapatibay ng proteksyon sa freedom of speech ng mga Pilipino at pagtiyak sa kaligtasan ng digital world.
Ang resolusyon ay inihain nina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez, Majority Leader Manuel Jose Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, at Reps. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, Bienvenido Abante Jr. ng Manila at Joseph Stephen Paduano ng Abang Lingkod Party-list.
Hiniling ng pitong kongresista na isagawa ng House committees on public order and safety, on information and communications technology, at on public information ang imbestigasyon.
Ayon sa resolusyon, kasabay ng pagdami ng gumagamit ng social media ay ang pagkalat ng mga maling impormasyon na lumilito sa publiko, sumisira sa reputasyon ng mga indibidwal at institusyon, at gumagambala sa pampublikong diskurso.
“False and malicious content has also been exploited by unscrupulous individuals to promote scams, cyberbullying and other activities that negatively impact public safety and order,” sabi ng mga mambabatas sa resolusyon na pinagtibay ng plenaryo ng Kamara.
“The balance between ensuring digital safety and protecting constitutional freedoms, particularly freedom of speech and expression, must be maintained, as these are cornerstones of democracy,” saad pa ng mga ito.
Ayon sa mga mambabatas, “There is a pressing need for a collaborative approach among relevant committees to identify gaps in existing laws and recommend measures to combat harmful content while upholding the rights of individuals to participate in free and open discourse.”
Sinabi ng mga kongresista na ang Republic Act (RA) No. 10175, o ang Cybercrime Prevention Act of 2012, ay nilikha upang tugunan ang pang-aabuso, maling paggamit at pagsasamantala sa information and communications technology, at labanan ang mga content-related offense gaya ng pagpapakalat ng mali at malisyosong impormasyon.
Tiniyak ni Gonzales at ng kanyang mga kasama na ang deliberasyon at ang magiging resulta nito ay isasapubliko.
Ang panukalang imbestigasyon ay gagabayan umano ng mga prinsipyo at layunin gaya ng pagtiyak na mapapangalagaan ang kalayaang magpahayag, matukoy ang mga butas sa batas upang ito ay mapunan, matiyak na mapalakas ang pagkakaroon ng pananagutan sa mga social media platform, malabanan ang cybercrimes, matiyak na ligtas ang digital space, at maisama at marinig ang mga stakeholder sa proseso.