Khonghun House Assistant Majority Leader Jay Khonghun

Lider ng Quad Comm umaasang lalabas sa ICC trial ang ‘grand budol’ at ‘multi-bilyong raket’ ng war on drugs ni Duterte

17 Views

UMAASA ang isang pinuno ng House quad committee na lalabas sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC) ang mga ginawang pambubudol sa mga Pilipino at ang bilyun-bilyong kinita mula sa pagbebenta ng iligal na droga na ikinubli ng war on drugs campaign ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa mga ebidensyang lumabas sa pagdinig ng quad comm, sa halip na sugpuin ang iligal na droga, ang Duterte drug war ay nagpataas lamang sa presyo ng ipinagbabawal na droga, pagkontrol sa suplay at paggamit ng kita mula rito sa pagtatayo ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

“Para simple, ganito po: bakit grand budol ang war on drugs? Kasi hindi lang ito madugo—ito po ay isang bilyong-pisong negosyo. ‘Yung maliliit na nagtutulak pinagpapatay, pero ‘yung malalaking sindikato lalo pang lumakas. Bakit? Kasi sila ang kumontrol sa supply. At kapag sila lang ang natira, sila rin ang nagtakda ng presyo,” ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun, isang senior member ng House quad comm, mula sa Zambales.

“Kung talagang giyera kontra droga ang naganap, bakit hindi tinarget ang malalaking supplier? Bakit ‘yung maliliit lang ang inubos, pero ‘yung malalaki lalo pang lumakas? Sinong nakinabang sa lumobong presyo ng droga?” dagdag ni Khonghun, na kasalukuyang namumuno sa House special committee on bases conversion.

Noong Disyembre, sa pagdinig ng House quad comm, iniulat ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, senior vice chair ng komite, na ang kontrobersyal na war on drugs ni Duterte ay ginamit bilang cover-up sa isang “grand criminal enterprise” na kinasasangkutan ng matataas na opisyal ng gobyerno, sistematikong katiwalian at pandaigdigang sindikato ng droga.

Batay sa initial findings ng joint panel—binubuo ng House committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights at public accounts—si Duterte at ang kanyang malalapit na kaalyado ay hindi lamang umano nagpatuloy kundi nakinabang pa sa kalakalan ng droga na kanilang ipinangakong pupuksain.

“Ladies and gentlemen, the Quad Comm has started to uncover a grand criminal enterprise, and it would seem that at the center of it is former President Duterte,” ani Acop. “Napakasakit po nito dahil pawang tayo ay nabudol.”

“Mahirap po ang trabaho natin dito sa Quad Comm. Walang gustong bumangga sa isang popular na dating presidente. Pero kami po, tulad niya, ay halal ng taong-bayan,” dagdag ni Acop.

Ayon naman kay Khonghun, ang paglilitis sa ICC ay magiging mahalagang pagkakataon upang patunayan na ang drug war ay hindi lamang tungkol sa patayan, kundi tungkol din sa isang malawakang operasyon na kumita ng bilyon-bilyong piso sa pamamagitan ng ilegal na droga at money laundering gamit ang mga POGO.

“Ang ICC trial ay hindi lang tungkol sa patayan, kundi sa bilyon-bilyong pisong kinita mula sa dugo ng mga Pilipino. Dapat hindi lang si Duterte ang managot, kundi pati lahat ng nakinabang sa pekeng giyerang ito,” giit ni Khonghun.

Kasabay ng imbestigasyon sa ICC, isinusulong din ng quad comm ang pagsasampa ng mga kaso sa loob ng bansa upang papanagutin ang lahat ng sangkot sa iligal na droga, kabilang ang mga financier, protektor at kasabwat ng sindikato.

“Hindi lang simpleng patayan ang war on drugs. Isa itong sistematikong operasyon para pagkakitaan ang dugo ng tao. Kung may hustisya, dapat managot ang lahat—mula kay Duterte hanggang sa lahat ng kasabwat niyang sindikato,” dagdag pa ni Khonghun.

Sa presentasyon ni Acop, sinabi niyang ginamit ng mga pinakamalalapit na opisyal ni Duterte ang kapangyarihan ng gobyerno hindi para sa bayan kundi para sa pansariling kapakinabangan.

“It is most unfortunate, however, that the sword was used to slit, stab and slash the very people it swore to protect—we the people—and the purse was used not to benefit the Republic, but to line the pockets of the few. Nilunod nila ang bayan natin ng droga, at kumita dahil dito,” ayon kay Acop.

Isa sa mga pangunahing testigo sa pagdinig ay si dating police intelligence officer Col. Eduardo Acierto, na tuwirang nagdawit kay dating Pangulong Duterte at kina Senator Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa bilang mga pangunahing personalidad na umano’y nagprotekta sa “illegal network ng droga sa Pilipinas.”

“Worse, they served as key figures in ensuring that large volumes of illegal drugs slip right through our borders. Asan ngayon si Col. Acierto? Nakatago dahil gusto siyang patayin ni former President Duterte,” dagdag ni Acop, isang abogado at dating heneral ng pulisya.

Sa kanyang presentasyon, binalikan ni Acop ang dalawang malalaking kaso ng drug smuggling noong 2017 at 2018—ang “Tale of Two Shipments”—kung saan P6.4 bilyon at P3.4 bilyong halaga ng shabu ang naipasok sa bansa sa pamamagitan ng Manila International Container Port.

Ibinunyag sa mga testimonya ng pangunahing saksi, ang negosyanteng si Mark Taguba at dating opisyal ng Customs intelligence na si Jimmy Guban, kung paano umano pinangasiwaan nina Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, anak ni dating Pangulong Duterte; Manases “Mans” Carpio, manugang ni Duterte at asawa ni Vice President Sara Duterte; at dating economic adviser na si Michael Yang ang mga smuggling ng mga iligal na kargamento.

Ayon kina Taguba at Guban, nakakalusot ang mga kargamento sa inspeksyon dahil sa tara system—isang laganap na suhulan sa Bureau of Customs (BOC) kung saan milyun-milyong piso ang binabayad para malayang maipasok ang iligal na droga.

“Paano po ito nakakalusot? It’s a crack in our system—a crack in the Bureau of Customs,” giit ni Acop. “The tara system—grease money—allowed shipments of dangerous drugs to pass through without X-rays or inspections.”

Si Yang, isang malapit na kaibigan ng dating pangulo, ang naging pangunahing paksa ng imbestigasyon ng quad comm.

Una ng ibinunyag ni Acierto na may kaugnayan si Yang sa isang sindikato ng droga kasama sina Allan Lim (Lin Weixiong) at Johnson Co.

Iniulat na kabilang sa mga umano’y operasyon ni Yang ang pagpupuslit ng droga, pamamahagi nito at money laundering.

Ipinakita sa matrix ni Acierto ang isang end-to-end na operasyon ng droga, mula sa pagpasok ng mga kemikal, paggawa, hanggang sa distribusyon nito sa buong Pilipinas.

Ayon pa sa testimonya, mula sa iba’t ibang saksi ang nag-ugnay kay Yang sa Dumoy drug laboratory raid noong 2004 sa Davao City, kung saan mahigit 100 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P300 milyon ang nakumpiska—isa sa pinakamalaking drug bust sa kasaysayan.

“The reports relayed to us by Col. Acierto only support the participation of several high-ranking officials, including Senator Bato Dela Rosa, Director General Aaron Aquino, Bong Go, Wilkins Villanueva…Umabot po sa matataas na opisyal na ito ang report ni Col. Acierto. Inuulit ko, walang nangyari,” pahayag ni Acop.

Ayon sa salayasay ng ilang dating pulis, may sistematikong “reward system” sa ilalim ng war on drugs, kung saan mas mataas ang gantimpala kung mas mataas ang ranggo ng napatay na suspek.

“Every kill was compensated, and the bigger the ‘catch,’ the higher the pay,” ani Acop.

Si Police Col. Jovie Espenido, na dating “poster boy” ng drug war, ay kinumpirma na may mga reward na umaabot hanggang P100,000 sa bawat pagpatay.

Kinondena din ni Acop ang baluktot na reward system, na ayon sa kanya ay sadyang tinarget ang mga laboratoryo at chemist, kaya’t lalong nagbigay-daan sa pagdagsa ng imported na droga sa merkado ng Pilipinas.

“It also led to countless extrajudicial killings—over 30,000 deaths, according to data,” dagdag pa ng mambabatas.

Isa sa pinakamatinding pahayag sa pagdinig ay ang affidavit ni dating pulis Arturo Lascañas, na idinetalye kung paano si Duterte mismo ang nasa gitna ng operasyon ng iligal na droga.

Sa kanyang salaysay sa ICC, tinawag ni Lascañas si Duterte bilang “Lord of All Drug Lords” at inakusahan siyang ginamit ang kampanya kontra droga upang alisin ang kanyang mga kakumpetensiya habang pinoprotektahan ang malalaking sindikato.

Ayon sa self-confessed hitman na si Lascañas, at dating kasapi ng Davao Death Squad, si Duterte mismo ang nag-utos ng pagpatay sa mga drug chemist at trabahador na sangkot sa laboratoryo sa Dumoy.

Ayon sa kanyang affidavit, nagbayad si Duterte ng hanggang P500,000 para ipapatay ang mga ito, kaya’t lumitaw ang tanong kung layunin nitong sugpuin ang droga o alisin ang mga kakumpetensya.

Ibinunyag pa ni Acop na ang pangalan nina Yang, Lim, Johnson Co at iba pa ay madalas na lumulutang sa mga ulat kaugnay ng drug-related corruption.

Mula sa pagsalakay sa laboratoryo sa Dumoy hanggang sa bodega ng Empire 999 Realty sa Pampanga, kung saan nasamsam ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong 2023, ang parehong mga pangalan ang lumitaw sa gitna ng mga operasyong ito.

“Madami at paulit-ulit na ang lumilitaw na koneksyon ni Michael Yang sa business ng droga,” ani Acop. “Pero sa gitna ng isang state policy called the ‘war on drugs,’ wala pa ring nakakagalaw laban sa kanya.”

Tinapos ni Acop ang kanyang presentasyon na may pangakong papanagutin ang mga responsable rito.