Gonzales

Liderato ng Kamara nangakong tututukan paglutas, pagbibigay ng katarungan sa Pampanga killings

48 Views

NANGAKO ang mga pinuno ng Kamara de Representantes na tututukan ang mga kaso ng pagpatay ng mga opisyal ng gobyerno sa Pampanga upang makamit ng mga biktima at kanilang pamilya ang inaasam na katarungan.

Ipinahayag nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Rep. Dan Fernandez ng Santa Rosa City, Laguna ang kanilang pangako noong Martes ng hapon sa pagsisimula ng imbestigasyon ukol sa pagpatay sa hindi bababa sa anim na lokal na opisyal sa ikatlong distrito ng Pampanga, na kinakatawan ni Gonzales.

Ang Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Fernandez na nagsasagawa ng imbestigasyon na bunga ng privilege speech ni Gonzales, na siya ring naghain ng Resolution No. 2086 na humihiling ng imbestigasyon sa insidente.

Sa loob ng dalawang taon at pitong buwan, hindi pa rin nareresolba ng regional, provincial at lokalna pulisya ang pagpaslang, at nanatiling malaya ang suspek sa pagpatay.

Sa pagsisimula ng imbestigasyon, sinabi ni Gonzales sa kanyang mga kasamahan at mga nasasakupan ang panawagan sa law enforcement agencies at tumulong sa mga pamilya ng mga biktima na makamit ang hustisya.

“Gayundin, ito ay para matulungan ang pamilya ng mga biktima, na hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa paghahanap ng hustisya,” saad nito.

“Katulad po ng sinabi ko sa aking privilege speech, gagawin ko po ang lahat, sa abot ng aking makakaya, na makuha ang katarungan sa pagpaslang sa inyong mga mahal sa buhay. Hindi po tayo titigil hanggat hindi napapanagot sa batas ang mga may sala,” dagdag pa ng mambabatas.

Kinondena ni Fernandez ang mga pagpatay at sinabi sa mga pamilya ng mga biktima na kaisa niya sila sa paghahangad ng katarungan.

“Tayo po ay nakikiisa sa paghahangad nila ng hustisya. This serious matter not only calls for the resolution of these cases and the swift delivery of justice for the victims and their bereaved families,” ayon pa sa mambabatas.

“More importantly, this calls for legal reforms and institutional strengthening, and even a shift in our cultural mindset as filipinos. Whether these killings are election related or not, political violence is a threat to our democracy and we all have the duty to seek lasting solutions. It is the least we can do for our fallen public servants,” saad pa ni Fernandez.

Tulad ng kanyang mga kasamahan, nagpahayag din si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., ng Committee on Human Rights, ng pakikiisa sa mga pamilya ng mga biktima sa kanilang paghahangad na makamit ang hustisya.

Kinastigo rin ng mambabatas ang local na pulisya sa kabiguang resolbahin ang mga pagpatay sa nakalipas na mahigit dalawang taon.

Sinabi ni Gonzales na ang unang insidente sa serye ng mga pagpatay ay naganap noong Abril 30, 2022, habang ang pinakahuli ay noong Nobyembre 12 lamang.

Ayon kay Gonzales, kabilang sa mga biktima sina Barangay Chairman Alvin Mendoza ng Alasas, Jesus Liang ng Sto. Rosario, at Matt Ryan dela Cruz ng Del Pilar Cutud kasama ang kanyang driver na si Henry Aquino, mula sa San Fernando City; pati na rin sina Barangay Captain Norberto Lumbao ng Laguios, Arayat, at Councilor ng Arayat na si Federico Hipolito.

Pinuna rin ni Abante ang lokal na pulisya na sinabing, “Just imagine from April 2022 to November 2024, anim ang napatay. I would like to find out from the police, kayo ang accountable dito.”

Tanong pa nito, “What have you done? You did an investigation, you know the suspects at bakit at large pa ngayon ang mga ito?”

Sa pahayag naman ni Police Brig. Gen. Redrico Maranan, ang bagong talagang Regional Director ng Central Luzon, “We are still in the process of hunting down the suspects, sir, and we are doing our best to give justice (to the victims and their families).