Suarez

Liderato ng Kamara pinuri pagsuporta ni dating Pangulong Duterte sa economic Charter reform

125 Views

PINURI ng mga kongresista ang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na suportado nito ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution at umaasa sa susundin ito ng kanyang mga suporter.

“Natutuwa po ako sa pagbabago ng sentimyento ng dating pangulo kaso lang mas magiging maganda po ito kung pati ang mga sumusuporta sa kanya ay sumalamin din sa posisyon ng dating pangulo,” ani Deputy Speaker at 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez sa isang press conference.

Binigyan-diin ni Suarez na ang pakay ng Kamara ay amyendahan ang economic provision lamang ng Konstitusyon.

“Ever since we passed RBH 6 last year it was just purely on economic provisions. We’ve been consistent with the position, the stand, from day one and up until now. Siguro makikita naman ninyo doon sa RBH 7 talagang mirror resolution po ito ng Senado, kaya doon po talaga iikot ang deliberasyon sa economic amendments lamang,” ayon pa kay Suarez.

Iginiit naman ni Taguig 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora na sa simula pa lamang ay malinaw na ang itinutulak ng Kamara ay ang pag-amyenda lamang ng economic provisions.

Binigyan diin ni Zamora ang kahalagahan ng suporta ni Duterte para sa economic Charter amendment, na tumutugma rin sa layunin ng mga nagdaang Kongreso at ng kasalukuyang 19th Congress.

“So siguro po nakikita na ng ating well-respected former President Rodrigo Duterte ang linaw na ito naman talaga ‘yung matagal na pinu-push ng maraming administrasyon at siyempre ng 19th Congress,” ayon pa kay Zamora.

Isang welcome development naman para kay Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy ang naging pahayag ni Duterte na pabor ito sa pag-amyenda sa Konstitusyon.

“Of course, it is a welcome development of former President Duterte supporting [economic] Charter change,” ayon pa kay Dy.

Ayon pa sa mambabatas, isang makasaysayang araw ngayon (Lunes) dahil sisimulan na ng Kamara ang pagtalakay sa RBH 7, na nakatuon lamang sa economic provisions.

Sinabi ni Dy na sa pamamagitan ng pagtalakay ng Committee of the Whole, ang kapulungan ay magkakaroon ng pagkakataon na masagot ang mga katanungan ng mga kinatawan.

“We can really listen to all of the members in these next few days, kung ano po talaga ang mga sentimyento, ano po talaga ang mga daing po ng ating mga miyembro. At mapakinggan po natin at magkaroon po tayo ng magandang discussion,” ayon pa sa mambabatas.

Ikinagagalak din ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles, chair ng House Committee on Labor, ang pagsang-ayon at pagbabago ng pananaw ni Duterte sa pag-amyenda ng Saligang Batas.

“Natutuwa rin tayo at nakikiisa tayo sa mga pahayag ng ating dating pangulo sapagkat panahon na upang tingnan natin muli ang ating Saligang Batas, kung paano natin mapapalawak ang investments at maisusulong din natin ang kapakanan ng ating mga manggagawa,” sabi nito.

Sa ginanap na prayer rally sa Cebu noong Linggo, inanunsyo ni Duterte ang pagsuporta nito sa economic constitutional reforms, kahit pa ang pagbabago sa termino ng pangulo basta’t tiyakin lamang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., na hindi na muling tatakbo sa pagkapangulo.

Una na ring nanindigan si Pangulong Marcos na ang nais lamang nito ay maamyendahan ang economic provision at wala ng iba pa.

Sinabi pa ni Suarez na ang pagbabago ng pananaw ni Duterte kaugnay sa reporma sa ekonomiya ay katulad din ng ninanais ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ang pag-endorso ng dating Pangulo sa economic Charter amendments ay nangyari isang araw bago simulan ng Kamara ang pagtalakay sa RBH 7.

Ang RBH 7 ay halos walang ipinagkaiba sa nilalaman ng RBH 6, na kasalukuyan tinatalakay din ng Senado, na nakatuon lamang sa pag-amyenda ng piling economic provisions sa Konstitusyon.