LTO

Ligtas na mga kalsada layunin ng LTO, schools collab

Jun I Legaspi Feb 4, 2025
11 Views

PINALAKAS ng Land Transportation Office (LTO) ang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan upang gawing mas ligtas ang mga kalsada para sa mga motorista at publiko sa pamamagitan ng “Stop Road Crash” campaign.

Sa Davao Region, nakipagkasundo ang LTO-Region XI sa Legacy College of Compostela sa Davao de Oro upang sanayin at bigyang-kaalaman ang mga estudyante nito tungkol sa mga alituntunin at regulasyon sa trapiko sa ilalim ng programang S.A.F.E. (Strengthening Advocacy for Future Educators and Drivers) Schools Initiative ng ahensya.

Binigyang-diin ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang kahalagahan ng pagpapalawak ng saklaw ng programa sa edukasyon at pagsasanay sa kaligtasan sa kalsada upang mahubog ang disiplina at responsableng pag-uugali ng mga kabataan bilang mga gumagamit ng kalsada.

“Ang pakikipagtulungan sa pagitan ng LTO at ng mga paaralan isang kapuri-puring inisyatiba upang mapalakas ang adbokasiya para sa kaligtasan sa kalsada at mailapit ang mahahalagang serbisyo ng LTO sa mga institusyong pang-edukasyon,” sabi ni Mendoza.

Dagdag pa niya na alinsunod sa kampanya ng DOTr Secretary Jaime J. Bautista para sa kaligtasan sa kalsada ang mga hakbang ng LTO.

Batay sa kasunduan sa pagitan ng Legacy College of Compostela sa pangunguna ni Atty. Joji Bernadette R. Ancog Casidsid at ng LTO-Davao de Oro District Office sa ilalim ng pamumuno ni LTO XI Regional Director Atty. Ernesto Raphael V. Robillo, magbibigay ang ahensya ng mga pangunahing serbisyo ng LTO sa mga estudyante at guro ng paaralan.

Kabilang dito ang libreng Theoretical Driving Course (TDC), pagkuha ng Student Permit, pag-renew ng Driver’s License at pag-renew ng Motor Vehicle Registration.

Inatasan naman ang IT Department ng Legacy College of Compostela na bumuo ng isang digital system upang masubaybayan at mapabuti ang epekto ng programa.

“Ito ang nais maisakatuparan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa ilalim ng Bagong Pilipinas–ang mailapit sa publiko ang maraming serbisyo ng pamahalaan,” ani Mendoza.