Calendar
Ligtas Pinoy Centers Act proteksyon ng publiko laban sa kalamidad – Speaker Romualdez
KUMPIYANSA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na malaki ang maitutulong ng Ligtas Pinoy Centers Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Biyernes upang maging batas para mabigyan ng proteksyon ang mga Pilipino sa kalamidad.
Sa ilalim ng bagong batas ay itatatag ang mga fully-equipped evacuation centers sa lahat ng lungsod at bayan sa buong bansa na magsisilbing pansamantalang matutuluyan ng mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo o pagbaha.
“When these shelters are built, people will be aware of where to go when they need to evacuate. The centers will have the necessary facilities and supplies for them,” ani Speaker Romualdez, na pangunahing may-akda sa Kamara de Representantes ng Ligtas Pinoy Centers Act.
Napapanahon aniya ang pagsasabatas ng panukala lalo at lumalakas at mas mapanira na ang mga tumatamang sama ng panahon dahil sa climate change.
“We should have prepared for this eventuality years ago because we are visited every year by at least 20 typhoons. But it’s still not too late to prepare and we should start building the needed evacuation centers soon,” dagdag niya.
Binigyang-diin naman ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mailikas ang mga pamilya bago pa dumating ang isang malakas na bagyo.
Kasama sa panuntunan ng pagtatayo ng evacuation centers ang mga sumusunod:
1. Itatayo sa istratehikong bahagi ng lungsod o bayan na hindi maa-isolate at may sapat na distansya mula sa danger areas;
2. Kailangang ito ay disaster-resilient at itinayo gamit ang matitibay na materyales para makayanan ang bagyo na may lakas ng hangin na 300 kilometers per hour at lindol na may lakas na 8.0 magnitude;
3. Magkakaroon ito ng tamang bentilasyon at sasapat para sa inaasahang bilang ng evacuees batay sa populasyon ng naturang lungsod o bayan;
4. Mayroon itong mga sleeping quarters; hiwalay na paliguan at palikuran para sa mga babae at lalaki (isa para kada 20 babae at lalaki at isa para sa kada walong may kapansanan o nakatatanda);
5. Pagkakaroon ng kusina, food preparation at kainan;
6. Lugar para sa pagtatapon ng basura, waste segregation;
7. Health care areas na may kasamang isolation o quarantine area;
8. Recreation area;
9. Rain harvesting at collection system;
10. Reserbang enerhiya para sa pailaw at operasyon ng medical at communication equipment;
11. Powerhouse at water pumping facilities; at
12. Imbakan ng pagkain at iba pang non-food items.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang magiging tagapagpatupad ng batas.
Inaatasan ang konseho na bumuo ng listahan ng mga siyudad at bayan na prayoridad para sa evacuation centers, depende sa pagiging lantad nila sa panganib at kakayanan na i-host ang naturang pansamantalang mga tuluyan.
Ang lungsod o bayan na iyon ang magiging responsable sa pamamahala at operasyon ng centers.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magpapatayo ng naturang evacuation centers gamit muna ang kanilang sariling pondo, na kalaunan ay isasama na sa taunang pambansang budget.
Maglalabas ang NDRRMC, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong ahensya, ng implementing rules and regulations para sa pagpapatupad ng bagong batas.