Ka Buchoy

Liham kay Kgg. Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ka Buchoy May 7, 2022
4933 Views

BBM

YAMAN din lang at napakarami nang nagsasabi na si BBM ang magiging susunod na Pangulo, pwera usog, sana’y makarating ang liham kong ito sa kaniya – sakaling siya’y piliin ng tadhana.

30 Hunyo 2022

Mahal na Pangulo,

Unang-una, isang mainit na pagbati sa iyong unang araw bilang Punong Tagapagpaganap at Comandante en Jefe ng Republika at ng Hukbong Sandatahan.

Sana’y naging masaya – at maikli – ang inyong naging celebración inaugural dahil maraming mabibigat na suliranin ang bumabalot sa ating bayan.

Huwag po kayong mag-alala dahil wala akong balak na bigyan ka ng aumang payo. Sa halip ay, mawalang galang na po, babahagian ko po kayo ng ilang observacion at mga agam-agam naming mga botante.

Unang-una po, huwag niyong baguhin ang inyong pinakitang asal at pananalita dahil ang mga ito, para sa amin, ang tanging bintana sa iyong pagkatao. Ang Pilipino, mataas man o mababa ang pinag-aralan, ay magaling kumilatis ng likas na pagkatao. Sa bahaging iyan, nagustuhan namin ang aming nakita at narinig, lalo na ang panawagang magkaisa. Nakita ka namin, at narinig. Nagustuhan namin pareho.

Ganunpaman, kahit sinong kandidato na may magaling na writer (dalawa singko ang mga ito) ay madaling makakalikha ng swabeng kampanya na madaling ikalat agad sa lahat ng media. Madaling sabihin yung “MAGKAISA!” Pero kadalasan ay labas sa ilong at pabalat bunga lang ito. Papaano ka naiba?

Ang simpleng sagot ay ito: pinangatawanan mo ang iyong panawagang magkaisa. At mahalaga sa lahat yung hindi mo ginawa: ang makihalo sa mapanirang talumpati at balitaktakan. Ni minsan ay walang salitang lumabas sa bibig mo na mapanira sa pagkatao nino man, sa harap ng pagdusta sa iyong pagkatao. Matataas pa man din ang pinag-aralan at estado sa buhay ng mga bagong fariseo na ito.

Sa iyo lamang namin narinig ang hayagang panawagang magkaisa; panawagan hindi lang sa salita.

Pangalawa, ikaw lamang sa lahat ng candidato, sa aking pagkakaalam, ang nagsaad na Pambansang Interes ang magiging pangunahing batayan ng ating pakikitungo sa ating mga panlabas na ugnayan.

Ito’y mahalagang ihayag ng maaga pa lang para magkaintindihan na agad. Uunahin mo ang interes ng bayan bago ang kapakanan ng ibang bansa. Napakahalaga ng sinabi mong ito sa dahil sa mga panganib na bumabalot sa buong mundo.

Marami pa akong puedeng sabihin nguni’t sapat na ang dalawang iyan. Nawawalang saysay ang lahat habang humahaba ang listahan.

Sa totoo lang napakarami mong tagapayo na higit na magaling kaysa sa karaniwang mamamayan na walang alfabeto sa dulo ng pangalan.

Pero tandaan mo ito, Ginoong Pangulo. Hindi lahat nadadaan sa talino at pagandahan ng analytics. Mahalaga rin ang nararamdaman mo sa iyong sikmura; ang iyong damdamin, pagdating sa mga mahalagang pasiya sa pagpapatakbo ng Estado.

Ika nga ng isa kong kaibigang pantas Your most important decisions should come from the gut, because your gut sees and feels things your mind alone cannot.

Higit sa lahat, mag-ingat sa kaaway, pero lalo na sa kaibigan.

Hanggang dito na lang po, Ginoong Pangulo. Naririto lang kami. Sagot namin kayo. Amping kanunay, Apo Lakay.

Mula sa iyong mga nagmamahal na Kasangkayan, Kabayan, Paisano at mga Pinoy Saddiq at iba pang Pinoy sa buong mundo.