Atty. Francis ople

Lihis na Hatol ng Kasaysayan: Isang Personal na Kuwento ng Pagmumuni-muni at Paninidigan ng isang Millennial

Francis Ople Apr 19, 2022
292 Views

IPINANGANAK ako noong 1985 kaya’t hindi ko na nadatnan ang isa marahil sa pinaka-kontrobersiyal na administrasyon sa kasaysayan ng Pilipinas—ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Sr.

Nagkamalay ako noong panahon na ni dating pangulong Corazon Aquino, kung kailan wala na sa kapangyarihan ang aking angkan at pamilya. Ang aking tiyuhin na matagal na nanungkulan bilang Secretary of Labor ay tinanggal kasabay ng Pangulong Marcos.

Mas matindi naman ang nangyari sa aking ama na isang halal ng bayan bilang bise-gobernador ng Bulacan. Bagama’t siya ay inihalal ng taumbayan at hindi isang “appointed official”, tahasan siyang pinatalsik sa kanyang puwesto at pinalitan ng isang “appointed” na bise-gobernador.

Sa magkasunod na taon ng 1987 at 1988, lumahok ang aking tiyuhin at ama sa national at local elections sa pagka-senador at pagka-alkalde ng Hagonoy, Bulacan at parehas silang hindi pinalad sa kani-kanilang mga kandidatura.

Marami ang nagsasabi na ang kanilang pagkabigo ay dulot ng tinatawag noon na “Cory Magic” kung kailan marahil ay sinumang may ugnayan sa dating Pangulong Marcos ay parang may ketong na iniiwasan ng tao.

Ito ang background ng aking kinagisnan sa murang gulang—isang pamilya at angkan na kasamang pinabagsak at pinadapa ng mga kaganapan ng 1986 at sa kabila ng lahat ng galit, pagkamuhi at kaguluhan sa kapaligiran ay patuloy na pinanindigan ang mga pananaw nito ukol sa kasaysayan. Ika nga, we have kept our beliefs even during the time when it was not popular and politically expedient to do so.

At dahil sa ang pamilya’t angkan ay naging tapat sa tungkulin na sadyang sahod lamang mula sa pamahalaan ang pinagkukunan, damang-dama namin ang pait ng pagkakalugmok.

Ang aming tahanan noon sa Cainta ay inutang lamang sa GSIS na ang kabayaran ay kinakaltas sa sahod ng tatay ko kada buwan.

Dahil sa biglaang pagkakatanggal sa trabaho, hindi ito nabayaran at naibenta lamang sa murang halaga. Magmula noon hanggang 2014, kami ay palipat-lipat ng inuupahan sa iba’t ibang lugar. Di naglaon, sa awa ng Diyos, nakakita naman ng hanapbuhay ang aking mga magulang sa pribadong sektor at iyon ang bumuhay sa amin sa napakahabang panahon.

Kalaunan naman din ay naging senador ang aking tiyuhin noong 1992 at sa aking pagkakaalam, nanatili siyang tapat sa tungkulin at namuhay din nang payak ang kaniyang pamilya.

Ginapang naman ng aking mga magulang ang pag-aaral ko sa Ateneo hanggang sa ako’y makapagtapos ng abogasiya sa UP. Muli, ito ang maiksing buod ng aking kinagisnang buhay.

At dahil nga ito lang ang aking inabutan, katulad ng sinumang musmos, ako’y naging mapagtanong at mapag-usisa.

Bakit nangyari ang EDSA 1986?

Sa paaralan, narinig ko ang karaniwang bersyon ng kasaysayan kung saan inilalarawan na masama si Marcos na naging dahilan ng pagpapatalsik sa kaniya. Iba naman ang pananaw ng aking mga nakatatanda.

Naniniwala silang si Marcos ay isa sa pinakamahusay na naging Pangulo ng Pilipinas at siya ay naging biktima lamang ng lihis at maling hatol ng kasaysayan. Kaya’t bata palang ako, wala pang social media, mulat na ako sa dalawang nagbabanggaang bersyon ng kasaysayan.

At sa kasalukuyang panahon, ngayon na ako’y nasa hustong gulang na, maituturing kong mapalad ako dahil maaga kong nalaman na may ibang pananaw bukod sa karaniwan at kalimitan nating naririnig noon. Batid ang magkaibang pananaw na ito, nagkaroon ako ng pambihirang pagkakataon na pag-munihan at pag-isipang mabuti kung anong bersyon ang higit na malapit sa katotohanan.

Sa nasaksihan kong pinagdaanan ng aming pamilya, na kailanman ay hindi naging lubusang mariwasa, sa panahon man ni Marcos o sa ibang panahon, nasa puwesto man o wala, kasabay ang pagpapanatili ng aking mga nakatatanda sa kanilang paninidigan, ay pinili kong paniwalaan ang kanilang bersyon.

Bakit? Simple lang naman. Sapagkat pinanindigan nila ang kanilang paniniwala kahit wala silang napala at mapapala rito. Dahil dito, naging isa ako sa kakaunting kabataan ng aking henerasyon na may naiibang pananaw ukol sa yugtong ito ng ating kasaysayan. At binitbit ko ang pananaw na ito sa aking paglaki.

Sa pagdaan ng panahon, unti-unting nasusugan ang isang pananaw na dati ko nang batid. Na may mali sa hatol ng kasaysayan, na hindi kumpleto ang kuwento at maraming pangako ang EDSA na hindi naisakatuparan.

Tama nga naman. Kinagisnan ko ang isang Pilipinas na watak-watak, talamak ang krimen (ilan sa mga tumatak sa akin ang Vizconde Massacre, Lipa Massacre, at Antipolo Massacre, na lahat ay naisa-pelikula pa), malaya ang mga NPA at terorista at ang infamous na brownout araw-araw.

Sa aking paglaki, nagkaroon din ako ng pagkakataon na makadaupang-palad ang iba’t ibang karaniwang tao. Taxi driver, magtataho, tindera ng laruan sa simbahan, kasambahay at marami pang iba. Sa kanila ko rin napatunayan ang sinasabi ng aking ama—na hindi masamang lider si Ferdinand Marcos, na higit na maganda ang buhay noong panahon niya kumpara sa ngayon.

Kaya’t bago pa nauso ang kalye survey, mayroon na akong sariling survey tungkol sa pakiwari ng karaniwang tao sa dating pangulong Marcos. Marahil ay matagal-tagal na ring popular si Marcos. Kaya lang noon siguro ay wala pang sapat na pamamaraan o avenue upang mapatotohanan at mapag-buklod ang mga pananaw na ito.

Kaya’t sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya ng internet at social media at sa pagkawala ng monopolya sa impormasyon at diskurso, tulad ng rumaragasang tubig, hindi na mapigilan ang paglabas at pagyabong ng bersyon ng kasaysayan na matagal nang sinikil. Ang rumagasang tubig na ito rin ang isa sa nagsisilbing puwersa ng anak ni Marcos ngayon sa kaniyang krusada na pagkaisahin ang bansa sa kaniyang pamumuno.

Kami ay nagagalak sa pagbuhos ngayon ng malabis na suporta sa pamilya ng pinunong sinuportahan namin simula’t sapul sapagkat nagkaroon ng saysay ang aming matagal nang pinangangahawakang paninidigan.

Ngayon, masaya at tahimik kaming nagmamasid sa pagtatagumpay ng katotohanan habang binubulong sa aking sarili na mapalad ako dahil maaga ko itong napagtanto.