Ortega La Union Rep. Paolo Ortega V

Limang ‘Dodong’, ‘Jay Kamote,’ ‘Miggy Mango’ tumanggap din ng confidential funds ni VP Sara

16 Views

MATAPOS ang pamilya chichirya sa pangunguna ni “Mary Grace Piattos,” lumabas sa mga ebidensyang nakalap para sa impeachment trial na binigyan din ni Vice President Sara Duterte ng confidential fund sina “Jay Kamote,” “Miggy Mango” at limang “Dodong” ang pangalan.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, patuloy ang paghaba ng listahan ng mga kuwestyunableng pangalan na tumanggap ng confidential fund ni VP Duterte na ang kabuuang halaga ay umaabot sa P612.5 milyon.

Sinabi ni Ortega na ang pagkakatuklas ng mga kaduda-dudang pangalan ay nagpapalakas sa alegasyon na hindi ginamit ng tama ni VP Duterte ang kanyang confidential fund.

Batay sa mga ebidensya na nakuha ng House prosecution team mula sa isinumiteng acknowledgment receipt ng tanggapan ni VP Duterte, binigyan ng confidential fund sina Dodong Alcala, Dodong Bina, Dodong Bunal, Dodong Darong at Dodong S. Barok, bukod kina “Jay Kamote” at “Miggy Mango” na hawig ang pangalan sa isang root crop at prutas.

“Una, may chichirya at cellphone. Ngayon, may prutas at kamote na. At higit sa lahat, mukhang ‘Dodong Gang’ na ito! Hindi lang isa, hindi lang tatlo—limang Dodong ang nasa listahan,” ani Ortega.

Ang mga pangalang ito ay sumunod sa naunang pagsisiwalat ng umano’y mga pekeng tumanggap ng pondo tulad nina “Mary Grace Piattos,” “Pia Piatos-Lim” at “Renan Piatos” na ang mga apelyido ay tila ginaya mula sa isang kilalang brand ng chichirya, pati na rin ang “Xiaome Ocho” na tulad ng isang sikat na smartphone.

Tulad ng mga naunang kahina-hinalang pangalan, ang “Jay Kamote,” “Miggy Mango” at ang limang “Dodong” ay walang rekord ng kapanganakan, kasal o kamatayan sa Philippine Statistics Authority (PSA), ngunit lumitaw sa confidential fund reports ng Office of the Vice President (OVP).

Nauna nang inilantad ng PSA ang kaduda-dudang katangian ng confidential fund disbursements sa ilalim ni Pangalawang Pangulong Duterte.

Sa 1,992 na sinasabing tumanggap ng pondo, lumabas sa talaan na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records at 1,593 ang walang death records.

“Anong klaseng payroll ito? Imaginary? Hindi natin matukoy kung totoong tao ba ang mga tumanggap ng perang galing sa CIF (confidential and/or intelligence fund),” giit ni Ortega.

Ang mga PSA certifications, na may petsang Disyembre 8 at Disyembre 11, 2024, ay isinumite sa House committee on good government and public accountability o Blue Ribbon committee, at ngayon ay isa ng pangunahing bahagi ng kasong impeachment laban sa pangalawang pangulo.

Iginiit ni Ortega na higit pang pinapatibay ng mga ebidensyang ito ang kaso ng impeachment, na nakasentro sa umano’y maanomalyang paggamit ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng OVP at ng Department of Education (DepEd) kung saan dating nanungkulan si Duterte bilang kalihim.

“Hindi lang ito kapabayaan—ito ay isang maingat na planong paglustay sa pondo ng bayan. Peke ang mga pangalan, peke ang liquidation at peke ang pananagutan,” ani Ortega.