Liquor Ban

Liquor ban ipatutupad ng QC sa SONA ni PBBM

305 Views

MAGPAPATUPAD ng liquor ban ang Quezon City Police District (QCPD) sa Lunes para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-6:00 ng gabi.

“Ang Team QCPD ay handang-handa na para sa SONA 2025. Sa lahat ng QCitizens, please be guided by the laws, rules and regulations being implemented by the city government upang maiwasan ang anumang kaguluhan at maisakatuparan ng payapa, maayos at ligtas ang SONA 2025,” sabi ni QCPD Officer-in-Charge, P/Col. Randy Glenn Silvio.

Ang pagpapatupad ng liquor ban ay alinsunod sa Executive Order No. 9, Series of 2025 na pinamagatang: “An Order Implementing a Liquor Ban in Quezon City on July 28, 2025, in View of the 4th State of the Nation Address of President Marcos Jr.”

Sa ilalim ng nasabing kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi at pagkonsumo ng mga inuming nakalalasing sa loob ng Quezon City sa mga tinukoy na oras.

Ang panukalang ito ay naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, tiyakin ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga hindi kanais-nais na mga insidente na maaaring makagambala sa paghahanda sa seguridad para sa taunang talumpati ng Pangulo.

Hinihimok ng QCPD ang lahat ng residente, may-ari ng negosyo at mga bisita na makipagtulungan at sumunod sa direktiba para sa kaligtasan at seguridad ng lahat.

Hinihikayat din ang publiko na iulat ang mga paglabag sa Emergency Hotline 911 o sa QC Helpline 122.