Lisensiya ng mga baril mas pinalawig ang bisa

340 Views

MAS pinalawig pa ng mga mambabatas mula sa Kamara de Representante at Senado ang bisa ng mga lisensiya ng baril matapos nila itong aprubahan sa isinagawang Bicameral Conference Committee (BICAM).

Mabilis na inaprubahan ng mga kinatawan mula sa Kongreso at Senado ang pinagsamang bersiyon ng House Bill 10610 at Senate Bill 1155.

Si Nueva Ecija Rep. Luisa Lloren Cuaresma ang nagsulong ng bersiyon ng HB 10610. Samantalang ang Senate version naman ay iniakda ni Sen. Ralph Recto.

Nilalayon ng pinagsanib na panukalang batas na magtakda ng panahon o pagpapalawig sa bisa ng mga lisensiya ng baril. Upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga may-ari para ipa-rehistro ang kanilang pag-aaring baril.

Dahil sa pagpapalawig sa lisensiya ng mga baril, pinahihintulutan na rin ang mga may-ari na magdala ng kanilang baril sa labas ng kanilang tahanan o sa lugar ng kanilang negosyo.

Pinagtibay ng Bicam ang Section 2 ng Congress version na nagpapalawig ng panahon sa bisa ng mga lisenisya ng baril mula dalawang taon hanggang limang tao o sampung taon alinsunod sa option ng may-ari ng lisensiya.

Gayunman, hindi ito magiging epektibo para sa isang indibiduwal maliban na lamang kung ang lisensiya ng may-ari ng baril ay maagang binawi o sinuspinde ang kaniyang lisensiya.

Tiniyak naman ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na magkakaroon ng awtoridad ang Philippine National Police (PNP) na bumalangkas ng mga ipatutupad na alituntunin at regulasyon.

Ipinaliwanag ng Senador na layunin nito na makatulong upang matiyak na ang pagpapalawig sa lisensiya ng mga baril ay hindi aabusuhin ng sinomang indibiduwal para maiwasan na rin ang mga hindi kanais-nais na pangyayari. Ni MAR RODRIGUEZ