Calendar

Lisensya ng 671 drivers sinuspinde ng LTO
SINUSPINDE ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng 671 na motorista na sangkot sa mga aksidente at iba pang seryosong paglabag sa mga panuntunan ng kaligtasan noong Semana Santa.
Sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr), sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng mga drivers.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, maglalabas ang ahensya ng 1,165 show cause orders (SCOs) laban sa mga may-ari ng sasakyan na bumagsak sa mga isinagawang random road worthiness inspections sa parehong panahon.
“Hindi pa tayo umabot sa ganitong antas noon pero magdodoble-kayod tayo ngayon dahil malinaw ang utos ni Secretary Vince Dizon hindi isasakripisyo ang kaligtasan sa kalsada,” dagdag pa niya.
Sa 671 lisensyang nasuspinde, 574 may kaugnayan sa mga aksidente sa daan na nagresulta sa pagkakasugat at pagkamatay.
Samantala, 97 lisensya ang sinuspinde matapos magpositibo sa random at sorpresang drug test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kasagsagan ng pag-uwian ng Semana Santa.
Iginiit ni Mendoza na dapat pa ring pairalin ang due process, kabilang na sa mga nagpositibo sa droga at sa mga sangkot sa malagim na aksidente.
Sa press briefing, inanunsyo ni Secretary Dizon ang pagbawi ng lisensya ng bus driver na sangkot sa viral video kung saan makikitang mabilis ang pagpapatakbo ng bus sa La Union habang nakikiusap ang mga pasahero na siya’y magbagal.
“Ngayon din ay binabawi natin ang kanyang lisensya, Mark Louie Burgos, driver ng ESL bus company. Simula ngayon, wala na siyang lisensya, wala na rin siyang kabuhayan dahil sa ginawa niya,” sabi ni Dizon.
Ang pagbibigay ng lisensya, lalo na sa mga driver ng pampublikong sasakyan, isang pribilehiyo upang sila’y makapaghanapbuhay para sa kanilang pamilya.
Ngunit binigyang-diin niya na kaakibat ng pribilehiyong ito ang obligasyong panatilihin ang disiplina, kaayusan at kaligtasan sa kalsada para sa kapakanan ng publiko at ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
“Hindi po katanggap-tanggap ito. Kung noong nakaraan akala ng mga driver at operator na mga ito na walang gagawin ang gobyerno, ipapakita natin na hindi natin papayagan ang mga ganitong pang-aabuso ng pribilehiyo na ibinibigay sa mga driver at operator ng mga bus at PUVs,” ayon sa kalihim.
Sa nasabing briefing, binigyang-diin din ni Secretary Dizon na malinaw ang utos ng Pangulo: tiyaking ligtas ang publiko sa kanilang paglalakbay.
“Ang utos ng Pangulo malinaw: Para sa amin sa DOTr, tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng publiko sa kanilang biyahe,” aniya.
Dahil dito, ayon kay Secretary Dizon, mas paiigtingin pa ng DOTr ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas at rerepasuhin pa ang mga patakaran upang mas mapalawak ang intervention ng pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat.
“Sa mga susunod na araw at linggo, mas marami pang pasaway na drayber ang mawawalan ng lisensya,” babala ni Secretary Dizon.