Calendar

Lisensya ng rider na nagtakip ng plaka sinuspinde
SA tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin ang mga “kamote” riders, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng motorcycle rider ng 90 araw matapos takpan ang kanyang plaka upang makaiwas sa No-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang may-ari ng motor residente ng San Juan.
Makikita sa isang Facebook post ang violation ng rider na ngayo’y viral na.
“Maliwanag na isa itong pambabastos sa batas. Gaya ng sinabi ng ating DOTr Secretary Vince Dizon, hindi na papayag ang pamahalaan sa mga motoristang katulad nito,” ani Asec. Mendoza.
Bahagi rin ng imbestigasyon, ayon kay Asec. Mendoza, ang pagtukoy kung ang rehistradong may-ari nga ba ang mismong nagtakip ng plaka.
Natunton ng LTO Social Media Monitoring Team ang viral na Facebook video kung saan makikitang tinakpan ng packaging tape ang huling tatlong letra ng plaka upang hindi mabasa.
Ang Facebook post, na may caption na “NCAP? No problem, magaya nga,” nagpapakita ng motorsiklong may angkas na nakasuot ng helmet ng Move It.
Sa show cause order na pirmado ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, inaatasan ang rehistradong may-ari na humarap sa LTO Central Office at magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa.
Nahaharap ang may-ari sa paglabag sa Section 18, Paragraph 2 ng R.A. 4136 (use of number plates) at sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Itinaas din sa alarma ang naturang motorsiklo upang hindi ito magamit sa anumang transaksyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Pinaalalahanan ni Asec. Mendoza ang mga motorista na ilegal ang ganitong gawain at may kaukulang parusa.