Yorme

Liwasang Bonifacio nililinis sa utos ni Yorme

Edd Reyes Nov 16, 2026
8 Views

Yorme1NILILINIS ng Department of Environment and Public Services (DEPS) ng Maynila ang Liwasang Bonifacio para maalis ang masangsang na amoy na inireklamo ng mga nag-rally noong Linggo.

Ayon kay DEPS Director Kenneth Amurao, mahigpit ang direktiba ng alkalde na linisin ang liwasan matapos mapaulat na nagkalat ang ihi at dumi ng tao sa plaza, bago magtungo noong Linggo ng umaga ang mga magsasagawa ng rally tutol sa pagbisita ni US President Donald Trump.

Gumamit na ng disinfectant at deodorizer ang mga naglilinis upang maalis ang masamang amoy, na ayon sa mga organizer ng rally ay sinadyang ilagay sa naturang freedom park upang hindi makatagal ang mga dadalo sa kilos-protesta.

Ibinintang nila sa mga pulis ang pagkakalat ng dumi ng tao at pagsaboy ng ihi sa lugar pero itinanggi naman ng Manila Police District at ng Malacañang.

Tiniyak ng DEPS na hindi lang isang araw lilinisin ang Liwasang Bonifacio dahil inaasahan pa ang pagdagsa ng mga magsasagawa ng rally hanggang matapos ang ASEAN Summit sa Miyerkules.