Lola

Lola pisak sa 3 sasakyan sa QC

19 Views

DEAD on the spot ang 61-anyos na lola matapos masagasaan ng tatlong sasakyan habang tumatawid sa Barangay Silangan, Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Rosemarie R. Orcine, 61, residente ng Bulacan.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector, bandang alas-7:00 ng gabi noong Sabado (May 17) nang maganap ang aksidente sa kanto ng Illinois St., at Aurora Boulevard, sa Brgy. Silangan, sa lungsod.

Sa kuha ng CCTV, tumatawid ang biktima nang mabundol ng puting SUV na mabilis namang tumakas.

Matapos ay sumunod naman ang isang itim na SUV at nasagasaan din ang biktima.

Pansamantalang tumigil at bumaba pa ang driver ng itim na SUV pero kinalaunan ay tumakas din ito at iniwan ang duguan at nakahandusay na matanda.

Arestado naman ang pangatlong driver ng sedan na nakasagasa rin sa matanda.

Patuloy ang masusing imbestigasyon at follow-up operation na isinasagawa ng QCPD upang matukoy ang mga drayber ng itim at puting SUV na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

“Hinihikayat namin ang sinumang may impormasyon ukol sa mga sangkot na sasakyan o drayber na agad na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o tumawag sa QC Helpline 122. Ang inyong pakikiisa ay mahalaga upang makamit ang hustisya para sa pamilya ng biktima at mapanagot ang may sala,” pahayag ni QCPD officer-in-charge at Deputy District Director for Administration P/Col. Randy Silvio.