Lolo

Lolo sa Malabon arestado dahil sa paggala na may bitbit na boga

Edd Reyes Feb 26, 2025
12 Views

KALABOSO ang 62-anyos na lolo nang mahuli sa akto habang may hawak na baril at pagala-gala sa kanilang lugar Miyerkules ng madaling araw sa Malabon City.

Hindi na pinaporma ng mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan si Lolo Divino, residente ng Concepcion St. Brgy. Tugatog nang matiyempuhang palakad-lakad, bitbit ang kalibre .40 Jericho pistol na may 10 bala sa magazine sa kanilang lugar dakong ala-1:50 ng madaling araw.

Ayon kay Col. Baybayan, itinawag ng kanyang mga kapitbahay sa Police Sub-Station 2 ng Malabon police ang pabalik-balik na paglalakad ng suspek na tila may inaabangang kaaway habang hawak ang baril kaya’t kaagad na nagresponde sina P/SSg Marty Vilbar, P/Cpl. Leo Dave Legaspi, at Pat. Philmark Tongco na dumamba kaagad sa suspek.

Nang kapkapan, nakumpiska kay Lolo Divino ang dalawang plastic na pakete na naglalaman ng 15.92 gramo ng shabu na nagkakalahaga ng P108,256.00.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition matapos mabigong makapagpakita ng dokumento na magpapatunay na legal ang pagkakaroon at pagdadala niya ng baril, pati na rin sa paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Malabon City Prosecutor’s Office.